Search
  • BULGAR

Paalam mahal kong ama

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | June 29, 2020


Tuluyan nang nagpaalam ang aking ama na si Ramon Revilla, Sr. matapos na ilang ulit itong magpabalik-balik sa St. Lukes Medical Center sa Bonifacio Global City, Taguig dahil sa dumadaing ito ng paninikip ng paghinga.


Hanggang sa magpasya mismo ang aking ama na umuwi na lamang sa bahay, isang araw bago ang pagdiriwang ng Father’s Day kaya kumpleto ang aming pamilya na nagdiwang kinabukasan at kitang-kita ko ang mga ngiti sa mga mata ng aking ama.


Matapos ang Father’s Day ay patuloy pa rin ang pagbabantay ng mga doktor hanggang sa unti-unti nang naramdaman ang kanyang paghina na tila ayaw na niyang makipaglaban pa at nais na nitong magpahinga.


Bandang alas-5:20 ng hapon noong nakaraang Biyernes ay tila pinagsakluban kami ng langit at lupa nang pumanaw na ang aking ama dahil sa multiple organ failure o acute respiratory failure secondary to pneumonia na naging dahilan ng heart failure na kaniyang ikinasawi.


Sa edad na 93 ay pumanaw na ang isa sa haligi ng pelikulang Pilipino, filmmaker, aktor, isang Senador at higit sa lahat ay isang mabuting ama hindi lang sa kanyang mga anak kung hindi maging sa mga taong nakapaligid sa kanya.


Wala akong pagsidlan ng nararamdaman kong lungkot sampu ng aking pamilya ngunit wala akong magawa kung hindi ang tanggapin at ipagpatuloy ang lahat ng mabubuting nasimulan ng aking ama.


Napakarami kong nais sabihin tungkol sa aking ama na bukod sa inidolo ng kanyang mga tagahanga ay inidolo ko rin bilang anak at isa sa ipinagpapasalamat ko ay ang pagtitiwala niyang ipamana sa akin ang kanyang malinis na pangalan.


Alam kong maraming magsusulputang artista sa showbiz industry sa mga darating na panahon ngunit mananatiling nag-iisa ang Nardong Putik, Pepeng Kuryente at Kapitan Pablo na nagtataglay ng agimat para sa kabutihan.


Nakagisnan ko na sa aking paglaki na gumagawa ng pelikula kasama ang aking ama ngunit hindi ko makakalimutan ang pelikulang ‘Dugong Buhay’ na pinagsamahan namin kung saan nagsimula ang aking karera bilang action star.


Sa tulong ng aking ama ay nagtuluy-tuloy ang aking karera sa showbiz hanggang sa pumalaot na ako sa pulitika at ang lahat ng pangyayari sa buhay ko ay napakalaking utang na loob ko sa aking ama.


Alam kong hindi na tulad ng dati ang aking magiging galaw dahil sa pagpanaw ng aking ama ngunit pipilitin kong maging matatag tulad ng palagi niyang inihahabalin sa akin mula noong ako ay maliit na bata pa.


Hahanap-hanapin ko ang mga sandaling bago ako umuwi ay dadaanan ko muna siya sa kanyang bahay sa loob ng aming compound para makipagkuwentuhan at hindi siya nagsasawa sa pagbibigay ng mga tagubilin sa akin.


Isa sa palagi niyang sinasabi sa akin ay ang mag-ingat ako sa mga nais sirain ang aming pangalan na buong buhay niyang iningatan, partikular sa mga naiinggit at masasamang loob sa pulitika na gumagamit ng maduming estratehiya.


Pumanaw man ang tinagurang ‘Agimat ng Masa’ o mas kilala sa tawag na Don Ramon sa marami ay mananatili ang bisa ng kanyang agimat sa akin bilang anak na habang buhay kong tataglayin.


May mga nagtatanong kung ipinamana sa akin ang agimat ng aking ama, hindi lang agimat, marami pang ibang mabubuting halimbawa ang iniwan niya sa akin.


Anak ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o

mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2020 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.