Search
  • BULGAR

P750 K na ecstasy, keychain daw, buking!

ni Lolet Abania | October 17, 2020



Nakasabat ang Bureau of Customs (BOC) ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ng 196 piraso ng ecstasy tablets at 151 gramo ng ecstasy powder na tinatayang nagkakahalaga ng P750,000 sa Central Mail Exchange Center sa Pasay City.


Sa isang pahayag ng BOC-NAIA, ang nasabing kargamento na nanggaling sa isang Jansen J.J.K. mula sa Amersfoort, Netherlands ay idineklara nitong mga “keychain” na ipapadala sa Cebu City.


Gayunman, sa isinagawang physical examination ng ahensiya, lumabas na ang laman ng shipment ay 196 piraso ng dark gray na hugis bilohaba na mga tableta ng ecstasy at 151 gramo ng tinatawag na MDMA powder/crystal.


Gayundin, kinumpirma ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) mula sa naging resulta sa chemical laboratory nito na ang mga tableta at ang crystallized substance ay naglalaman ng MDMA o ecstasy/molly.


Ayon sa BOC-NAIA, ang mga nakumpiskang ilegal na droga ay nasa pag-iingat na ng PDEA para sa imbestigasyon at iba pang gagawing pagsisiyasat sa sinumang may-ari ng ‘misdeclared keychains’ dahil sa paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act in relation to Section 1401 (Unlawful Importation) ng RA 10863 o ang Customs Modernization and Tariff Act.


Samantala, ayon sa BOC, simula pa noong January 2020, ang Port of NAIA, sa pakikipagtulungan ng PDEA at ng NAIA-Inter-Agency Drug Interdiction Task Group ay nakasabat na ng 41 iba’t ibang klase ng kontrabando ng illegal drugs na may kabuuang halaga na P83.6 million.

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2020 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.