top of page
Search
  • BULGAR

Olympic Bound Gymnast Yulo, wagi ng bronze sa All-Japan

ni VA / Gerard Arce - @Sports | September 25, 2020




Matapos ang halos anim na buwang pagpapaliban ng mga kompetisyon sa Japan dulot ng coronavirus disease (Covid-19) pandemic, muling naipamalas ni 2020 Tokyo Olympics bound Carlos “Caloy” Yulo ang kanyang sinanay na mga routine upang makamit ang bronze medal finish sa 53rd All-Japan Senior Masters Gymnastics Championships.


Naibulsa ng 20-anyos na Manilenyo ang tansong medalya sa Men’s Vault sa kabuuang nairehistrong 14.733, katabla si 11-time World medalists Kenzo Shirai sa ikatlong pwesto. Pinangunahan naman nina two-time World bronze medalist at back-to-back Universiade team champion Wataro Kanigawa at home grown gymnasts Keisuke Asatu ang unang pwesto sa naturang event sa pagkuha ng parehong 14.900 puntos.


Ang 2019 World floor exercise champion ay nabigong magampanan ng maayos ang kanyang bagong routine matapos pumalya itong maidepensa ang kanyang korona sa pandaigdigang kompetisyon nang lumapag lamang ito sa 19th place sa nakuhang 13.966 puntos, samantalang natala lang nito ang 12th place sa All-Around event na may 83.398 points.


Sumabak din si Yulo sa Still Rings na may nakuhang 14.100, Parallel bars (14.066), Horizontal Bars (13.633), at Pummel Horse (12.900), habang tumapos naman sa ika-5th ang koponan nitong Asahi Mutual Life. Nakatakda muling lumahok ang 2018 Doha World Championships bronze medalist sa Disyembre sa Japan.


Huling beses na sumabak sa aktuwal na kumpetisyon ang Pinoy Gymnasts sa 2019 Southeast Asian Games sa bansa ng kumulekta ito ng dalawang gintong medalya sa paborito nitong All-Around at Floor Exercise, habang nagdagdag pa ng limang silver medals sa Pommel Horse, Still Rings, Vault, Parallel Bars at Horizontal Bars.


Ang Filipino artistic gymnasts ay ang ikalawang Filipino na lalahok sa 2020 Olympic Games kasunod ng Pole Vaulter na si Ernest Obiena na nakuha ang personal best na 5.81 mark sa Salto Con L’Asta Piazza Chiari meeting 2019 (Auction Meeting in the Square Pole Vault 2019) sa bansang Italy noong Setyembre 2019, habang sinundan ang mga ito ng national boxers na sina Eumir Felix Marcial at Irish Magnon na nagwagi rin sa qualifying tourney sa Amman, Jordan ngayong taon.


Kabilang sa mga nakasama ni Yulo na pasok sa All-around qualification ay ang mga atletang sina Manrique Arduet ng Cuba, Ludovico Edalli ng Italy, Milad Karimi ng Kazakhstan, Loris Frasca ng France, Robert Tvorogal ng Lithuania, Alexander Shatilov ng Israel, Ferhat Arican ng Turkey, Artur Davtyan ng Armenia, David Huddleston ng Bulgaria, Bart Deurloo ng Netherlands at Daniel Corral ng Mexico.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page