Search
  • BULGAR

New York marathon, gagawin nang virtual; Berlin, umatras

ni Anthony Servinio - @Sports | June 27, 2020




Malungkot na balita ang dumating sa mundo ng takbuhan matapos ihayag na hindi matutuloy sa taong ito ang BMW Berlin Marathon at TCS New York City Marathon sa halos sabay na magkahiwalay na pahayag noong Huwebes. Ang dalawang karera ay bahagi ng serye ng Abbott World Marathon Majors (AWMM) na anim na pinakamalaki at tanyag na takbuhan.


Ang Berlin ay nakatakda sana sa Setyembre 27. Ayon sa Infection Protection Act ng Alemanya na pinatupad noong Abril 22, bawal ang pagtitipon ng 5,000 o higit pang tao hanggang Oktubre 24, 2020.


“Due to the weather conditions and the ever shorter days, it would be very difficult to hold the BMW Berlin Marathon and its various competitions and event formats this year,” wika ni Jurgen Lock, ang Managing Director ng SCC Events. Ang Berlin ay kilala sa kanyang mabilis na ruta kung saan nakagawa ng 11 world record kabilang ang kasalukuyang pinakamabilis na oras na 2:01:39 ni Eliud Kipchoge ng Kenya noong 2018.


Gugunitain sana ng New York ang ika-50 edisyon ng kanilang marathon. Ito ang pangalawang beses sa kasaysayan ng karera na hindi ito matutuloy matapos ang pagsalanta ng bagyong Sandy noong 2012.


“While the marathon is an iconic and beloved event in our city, I applaud the New York Road Runners for putting the health and safety of both spectators and runners first,” wika ni Mayor Bill de Blasio ng New York. Tinatayang mahigit 53,000 ang nagpalista para sa taong ito ngunit maglalabas ang NYRR ng mga patakaran paano ibabalik ang ibinayad o lumahok sa virtual race.


Sa mga ibang karera ng AWMM, nauna nang sinabi ng pamunuan ng Boston Marathon na ipagpaliban ito at papalitan ng isang virtual race sa Setyembre. Sa ngayon, tuloy pa rin ang Virgin Money London Marathon sa Oktubre 4 at Bank of America Chicago Marathon sa Oktubre 11.


Tanging ang Tokyo Marathon ang natapos noong Marso 1 subalit mga 300 elite runner lamang ang pinayagan na tumakbo sa halos bakanteng kalsada. Kampeon si Birhanu Legese ng Ethiopia sa oras na 2:04:15 habang si Lonah Chemtai Salpeter ng Israel ang panalo sa kababaihan sa oras na 2:17:45.


Samantala, hinihintay pa ang pormal na pahayag kung matutuloy ang 2020 MILO Marathon. Karaniwan ay sa Hulyo nagsisimula ang serye ng lingguhang karera patungo sa National Finals sa katapusan ng taon. Sina Jerald Zabala at Christine Hallasgo ang kasalukuyang MILO Marathon King at Queen.

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2020 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.