Search
  • BULGAR

Natupad na panalangin ng mga doktor at rural health officers sa ‘Pinas

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | June 24, 2020


Mula Hulyo 2019 hanggang Hunyo 2020, ay umabot na sa 275 ang ating bills at resolutions, 8 sa mga ito ay pumasa na sa third reading, 14 nasa second reading, 26 ang adopted resolutions at 5 ang enacted into law.


Halos lahat ng mga batas na ginawa ng inyong lingkod ay mahahalaga para makatulong at mapagaan ang buhay ng ating mga kababayan, ngunit may mga nagmamarka lang sa akin dahil nga sa reaksiyon ng mga natutuwa sa batas.


Tulad na lamang nitong isinumite nating panukalang-batas na S. No. 446, o ang “An Act Granting Incentives and Other Benefits to Rural Health Unit Doctors and for other Purposes” na tuwang-tuwa tayo sa reaksiyon ng Association of Municipal Health Officers of the Philippines (AMHOP).


Nakakataba ng puso nang sabihin mismo sa gitna ng isinagawa naming pagdinig sa Senado na dinaluhan ng mga representante ng AMHOP na answered prayer umano ang isinumite nating ito na matagal na nilang minimithi.


Totoo naman, dahil talagang magpapagaan ito sa kalagayan ng ating mga rural health officers at mga manggagamot sa bansa na dapat ay pinagtutuunan ng pansin para lalo silang magsumikap sa pagtulong sa ating mga mahihirap na kababayan.


Mismong si AMHOP’s National President Dr. Clemencia Dilag, na nagmula sa Zarraga, isang 4th class municipality sa Iloilo ay nagpahayag na ang mga rural doctors ay tumatanggap lamang P50, 000 bilang buwanang suweldo na malayo sa kalakarang P80,000 hanggang P90,000.


Hindi madali maging doktor at marami sa kanila ay hindi naman umaakyat sa kabundukan para manggamot dahil may ilan sa kanila na gustong magpayaman sa mga pagamutan sa siyudad at mauunlad na lugar.


Kaya ang paglilingkod bilang rural health doctors ay may kaakibat na tunay na paglilingkod sa kapwa at hindi alintana ang haba ng oras para magtrabaho o layo ng aakyatin dahil higit na mahalaga ang makapaglingkod kesa sa kikitaing pera.


Sila na itong hirap na hirap sa kalagayan at trabaho, sila pa itong tila napapabayaan at hindi kumikita ng sapat na alam naman nating nagpapababa sa moral ng ating mga rural health workers.


Ayon mismo kay Dr. Dilag, marami sa mga rural health workers at physicians ay hindi pa natatangap ang kanilang 10 percent hazard pay maging ang kanilang 500 per day enhanced community quarantine (ECQ) allowance sa gitna ng COVID-19 pandemic ay wala pa rin.


Ang labis na inaalala ng AMHOP na posible umano itong makapagpawala ng gana ng mga potential doctor na ipagpatuloy pa ang kanilang karera na magsilbi sa rural health sector dahil sa mababang suweldo kumpara sa national government hospitals at medical centers sa ibang bansa.


Kaya matapos nating marinig ang mga pahayag ng AMHOP hinggil sa dinaranas ng ating mga rural health workers ay tinitiyak nating tututukan natin ang matagal ng naantalang insintibo na dapat ay sila ang binibigyang prayoridad.


Malaking bagay kung uunahin nating bibigyang-pansin ang mga health workers dahil makakatulong ito sa kakulangan ng mga doktor sa rural areas na ngayon ay nasa 38.6 porsiyento lamang.


Lalo na ngayong panahon ng pandemya, wala talaga tayong aasahan sa mga rural areas kung hindi ang mga bayaning ito na hindi nagpapabaya sa ating mga kababayan kaya marapat lang na hindi rin natin sila pabayaan.


Kung hindi natin aagapan ng mga rural health workers sa bansa ay posibleng maubos na sila at malamang puro albularyo at fake healer na lang tayo aasa.


Anak ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o

mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2020 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.