Search
  • BULGAR

Nakikita mo rin ba 'yan? Mga katangiang meron ang ina kaya supermom talaga!

Updated: Jun 25

ni Twincle Esquierdo - @Life and Style | June 24, 2020




ILAW ng tahanan ang tawag sa mga ina, nanay, mama o mommy natin at pare-pareho ang kanilang ginagampanan sa loob ng tahanan. Gayundin, alam natin na ang pagmamahal ng ina ay walang kapantay, kaya naman lahat ay ginagawa niya para sa kanyang pamilya.


Ngunit, ilan sa mga ina ay nanay na, tatay pa. Kumbaga, pati ang tungkulin ng ama ay kanya na ring ginampanan at nakakayanan niya ito dahil sa kanyang pagmamahal sa anak. Paano nga ba magmahal ang isang ina?

  1. KINAKAYA ANG LAHAT MULA SA PAGSILANG NG ANAK. Hindi man madali na dalhin tayo nang siyam na buwan sa kanilang sinapupunan, kinaya nila ito para maging ligtas tayo sa ating pagsilang, kaya nararapat lamang na ipagmalaki natin sila.

  2. UNANG GURO. Ang ating ina ang una nating naging guro. Simula sa pagtuturo ng magandang asal o pagsabi ng “po” at “opo,” magbilang hanggang sa pagsusulat ng sarili nating pangalan. Dahil dito, masasabing ina ang unang nand’yan para sa kanilang mga anak.

  3. MAGALING MAG-MULTITASK. Kaya nilang mag-multitask na hindi nagagawa ng isang ama o tatay. Agree? Habang naglalaba ay naglilinis din sila ng bahay, isama pa natin ang pagluluto sabay ng paghuhugas ng pinggan at pagkatapos ay ang pag-aalaga at pag-aasikaso sa kanyang mga anak naman ang gagawin.

  4. MALAMBOT ANG PUSO SA MGA ANAK. Dito nararanasan ng mga ina ang pagsakit ng ulo dahil sa katigasan ng ulo ng kanilang mga anak. Habang lumalaki ang mga ito, nagsisimula na ring magbago ang kanilang kilos, ugali at buong pagkatao, ngunit anuman ang nagagawang pagkakamali ng isang anak ay mapapatawad ito ng kanyang ina dahil sa pagmamahal niya rito.

  5. MATALAK KUNG MINSAN. Sila ang lubos na nag-aalala kapag hindi nakauwi nang maaga ang kanyang anak, kaya pag-uwi nito ay tiyak na mahabang sermon ang maririnig na bukambibig niya. Kaya huwag sasama ang loob kung nasermunan ka ng iyong ina, dahil kung uunawain mo ang kanyang mga sinabi, maiintindihan mo na lahat ng ito ay para sa kabutihan mo rin.

  6. WALANG ORAS PARA SA SARILI. Dahil inuuna niyang asikasuhin ang pamilya, nawawalan na siya ng oras para sa kanyang sarili o sa madaling salita, napapabayaan na niya ang sarili magampanan lang ang kanyang tungkulin bilang ina. Simula sa paggising nang madaling-araw para mamalengke at magluto ng almusal hanggang sa gabi, busy siya. Idagdag pa ang pagtuturo sa mga anak kung paano gawin ang ilang gawaing-bahay.

Ganito ipinadarama ng ating mga ina ang kanilang pagmamahal sa kanilang pamilya, lalo na sa mga anak. Kaya para sa mga anak, palagi n’yong isipin na kung nagagalit o pinagagalitan man kayo ng inyong ina dahil sa maling nagagawa, ito ay dahil ganu’n niya kayo kamahal. Okie?

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2020 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.