top of page
Search
  • BULGAR

Nakalimutan na ba natin ang kuwento nina Cain at Abel?

ni Fr. Robert Reyes - @Patakbo-takbo | July 5, 2020



Nasa Lumang Tipan ang istorya nina Cain at Abel, mga anak ng mga unang taong sina Adan at Eva. Ayon sa kuwento, kapwa nag-alay kay Yahweh ang magkapatid. Kinalugdan ni Yahweh ang alay ni Abel at hindi kay Cain. Nainggit si Cain sa kanyang kapatid at pinatay niya ito.


Tunay mang nangyari o hindi ang istorya ng kapatid na pinatay ng kanyang kapatid, paulit-ulit pa ring ginagamit ito upang ipakita ang nakatatakot na epekto ng kawalan ng pagsupil sa anumang negatibong damdamin tulad ng inggit at poot. Nakamamatay ang anumang lumalabis, lalo na ang mga mararahas na damdamin. Walang pinipili ito kaaway man o kaibigan, kahit na kapatid.


Libo na ang namatay sa naturang giyera kontra sa ilegal na droga. Kadalasa’y hindi magkakilala ang mga pinatay at ang mga pumatay. Subalit marami ring pagkakataong kilala ng mga pumatay ang kanilang biktima. Marami sa mga pinatay ay ang mga pinaghihinalaang sangkot sa ilegal na droga. Hindi man magkakilala ang pinatay at pumatay, kapwang Pinoy naman ang mga ito. Iisa ang kanilang lahi at maituturing magkapatid ang mga ito. Matagal nang nangyayari ang karahasan ng pagpatay sa mga pinaghihalaang sangkot sa ilegal na droga na pinatay sa halip nang arestuhin na kadalasa’y sinasabing “nanlaban” sa mga balita.


Sa kuwento nina Cain at Abel, walang laban ang nangyari sa magkapatid. Binulong ni Satanas kay Cain, “Patayin mo si Abel sa pamamagitan ng bato.” Ayon sa kuwento, ibinulong din ni Satanas kay Eva ang pagpatay kay Abel ng kanyang kapatid na Cain. Meron bang bumubulong sa mga pumapatay sa mamamayang pinaghihinalaang sangkot sa ilegal na droga? Hindi bulong kundi utos at naging batas na ang utos kaya’t nakasanayan na itong gawin. Ito ang malungkot na istorya ng extra-judicial killings sa ating bansa. Ang EJK ay ang paulit-ulit na istorya ng pagpatay ng kapatid sa kapatid.


Magkapatid ba ang apat na sundalong binaril at napatay ng siyam na pulis? Tulad ng karaniwang istorya ng mga pinatay na pinaghihinalaang sangkot sa ilegal na droga, “Nanlaban daw ang mga sundalo” kaya’t kinailangang paputukan ang mga ito upang ipagtanggol ng mga pulis ang kanilang sarili. Subalit, may ibang bersiyon ang istorya na nagsasabing walang hawak na baril ang mga sundalo at hindi naglaban ang mga ito. Iba ang bersiyon ng mga pulis sa bersiyon na pinaniniwalaan ng pamunuan ang mga sundalo.


Magkakilala kaya ang apat na sundalo at ang siyam na pulis? Mahalaga pa bang itanong kung magkakilala ang mga pinatay sa mga pumatay? Huwag nating kalimutan ang kuwento nina Cain at Abel. Hindi lang magkakilala kundi magkapatid pa sila, ngunit sa kabila ng malalim na relasyong dugo nakuha pa ring patayin ni Cain ang kanyang kapatid.


Hindi ang pagkakilala ang batayan ng pagpatay sa hindi pagpatay kundi ang malalim na pagkilala ng ugnayan ng lahat ng mga Pinoy sa kanilang kalahi. Sa mga nagdaang taon, hindi na pinag-uusapan ang anumang kaugnayan. Madali na lang tawaging kriminal, sunog ang utak, salot ng lipunan ang mga sangkot sa ilegal na droga. At ayon sa maraming saksi, maraming napatay na hindi talaga sangkot sa ilegal na droga at napakarami ring naparatangang nanlaban ang hindi nanlaban.


Naipasa na ang Anti-Terrorism Bill. Makakatulong ba ito upang ibalik ang nawawala at humihina nang pagkilala sa ating malalim na pagkaugnay bilang mga magkalahi at magkakapatid? Magnilay at magdasal tayo na huwag sanang tuluyang makalimutan ang kuwento ni Cain at Abel.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page