Search
  • BULGAR

Nag-positive, naospital, nakaligtas…

SIGAW NI JON LUCAS: MULTIVITAMINS LANG ANG GAMOT SA COVID-19

ni Vinia Vivar - @Frankly Speaking | June 27, 2020




Ini-reveal ng dating Hashtag member na ngayon ay GMA-7 talent na nag-positibo siya sa COVID-19.


Sa kanyang mahabang Facebook post last Thursday na may titulong “My New Era General Hospital Story”, ibinahagi ng aktor ang kanyang journey habang nagpapagaling kasama ang iba pang positive cases.


“3 days ako nag-stay sa NEGH. Kasi doon sa rapid test ko, nag-positive ako,” simula ni Jon.

“Opo, alam naman natin po at ng karamihan na hindi siya accurate para ma-detect 'yung virus. Minsan daw, kahit negative ka, puwede ka mag-positive. Minsan naman daw, positive ka pero negative ang lumalabas.


“Ang lumabas du'n sa result ko "29 days onwards recovery" parang papagaling na 'yung infection sa katawan ko. Meaning, parang dumaan lang siya,” patuloy niya.

Inamin ng aktor na nakaramdam din talaga siya ng sintomas ng COVID-19.


“Pero aaminin ko, may mga times na inuubu-ubo ako at nilalagnat. Pero dahil nga marami rin tayong ganap kahit nasa bahay lang, iniisip ko na lang na baka pagod lang ako.

“Saka siyempre, nawawala-wala po agad dahil nga tayo ay may gabi-gabing pagpapanata sa Panginoong Diyos.”


Nang magpa-test daw siya ay na-admit na nga siya sa New Era General Hospital (NEGH) at doon ay kasama raw niya ang iba pang infected.


“Ayun, hanggang nu'ng Lunes, nagpa-test na ako sa NEGH, 'yun nga ang lumabas, may past infection ako. Kaya na-admit ako sa NEGH hanggang sa dumating 'yung result ng swab test ko. (Mas kayang ma-detect ng swab si Covid) 2-3 days bago lumabas 'yung resulta.


“Habang naghihintay ng resulta, doon sa NEGH, lahat ng nakakasalamuha ko ru'n, lahat may COVID. Kasi 'di lang sila sa rapid nag-positive, kundi pati sa swab test, nakakailang test na sila, laging positive ang lumalabas. Ibig sabihin po, meron talaga silang mga karamdaman pong taglay.


“Ayun na nga, so 3 days kami magkakasama ru'n, siyempre bilang ako, bago lang du'n, 'di ko alam ano'ng klaseng sakit ba 'to. 'Di ba, 'pag nanonood ka sa social media, talagang matatakot ka? Kasi nga, ang dami na rin talagang pinatay ng sakit na ito.”


Isang Iglesia ni Cristo si Jon kaya sa NEGH siya nagpa-admit na ospital ng mga INC members. Ibinahagi niya na sa nasabing ospital ay parati raw ipinapaalala sa kanila ang mga salita ng Diyos.


“Pero doon sa NEGH, bago ka pa man din ma-admit, paulit-ulit nang ipapaunawa sa 'yo ng mga ministro na nandu'n, ang paulit-ulit din na binanggit ng Diyos para sa mga lingkod niya na 'Huwag kang matakot.' Kahit 'yan lang daw baunin mo sa araw-araw, hindi ka na raw mawawalan ng pag-asa.


“Eh, kaso, meron pang mga kasunod na pangako ang Diyos, eh, 'di ba po, tulad ng 'Hindi kita pababayaan' 'Pinili kita' 'Sa panahon ng pagsubok, bibigyan kita ng lakas para mapagtagumpayan mo ito.' Ba't nga naman tayo matatakot?


“Opo, totoo po na pinag-iingat tayo ng Pamamahala para makaiwas tayo sa ganitong karamdaman. Kasi nga, hindi natin alam kung sino ang puwede nating mahawa. Baka mamaya, mga lolo, lola, tatay, at nanay natin na mga may ibang sakit na talaga at may-edad na. Sila ang mahihirapan nang lubos sa karamdamang ito.


“Sa atin naman pong mga kabataan at medyo may lakas pa, ang hiling lang talaga sa 'tin ay mag-ingat. Sumunod, magpasakop at pangalagaan pa ang sarili,” ani Jon.


Ibinahagi rin niya na marami raw gumagaling na COVID-19 positive sa nasabing ospital dahil na rin sa pinanghahawakan ng mga pasyente ang mga salita ng Diyos.


“At 'di ba, naririnig nating lahat na sa NEGH ay sobrang daming gumagaling na COVID patients? Totoo po 'yun! Hindi po dahil sa magagaling ang mga doctor du'n at mga nurses, kundi dahil pinanghahawakan talaga nila ang mga salita ng Diyos na nakasulat sa Bibliya.


“Halimbawa, 'yung pagpapahid ng langis, utos ng Ama na kapag may karamdaman, bago man dalhin sa hospital, magpatawag muna ng matatanda sa Iglesia para mapahiran ng langis at maipanalangin sa Diyos. Everyday, tuwing umaga, ginagawa 'yun du'n sa NEGH. Kahit hindi kapatid, napapahiran at naipapanalangin. Kababayan man nating Katoliko, Muslim, Protestante, andu'n lahat at lahat sila ay inaalagaang mabuti at sa awa ng Diyos ay marami sa kanila ang gumagaling sa karamdaman,” aniya.


He also revealed kung ano ang kanyang iginamot, pati na rin ang ibang COVID-19 patients.


“At hanap ako nang hanap kung ano'ng ipapainom sa 'king gamot du'n. Aba, 'yung mga kasama ko ru'n, 14 days, 19 days nang nandu'n, ang gamot lang pala, eh, MULTIVITAMINS na nabibili sa botika,” saad ni Jon.


Hanggang sa dumating na raw ang good news na negative na siya.


“Ayun, tapusin ko na, sa awa at pagmamahal ng Diyos, 'yung mga kasamahan nating 14 days, 19 days nang nandu'n, kasama ko sila kagabi na natanggap ang resulta na ako po ay "NEGATIVE", sila naman po ay "RECOVERED" na mula sa sakit na 'yan.”


Pero paglilinaw niya, "Hindi vitamins ang nagpagaling sa amin! Kundi ang Panginoong Diyos na pinakamakapangyarihan sa lahat!”


Kaya ngayon ay ibinabahagi raw niya ang kanyang karanasan para rin sa kaalaman ng ibang positibo sa nasabing virus.


“Kaya rin siguro ako napunta ru'n para makita ko mismo kung ano ba talaga ang sitwasyon sa loob ng hospital na may mga COVID patients. Para na rin maibahagi sa inyong lahat ang pagtulong at pagmamahal ng mga doctors, nurses, medical staffs, mga ministro at manggagawa natin sa mga kababayan nating naapektuhan ng COVID. Hindi sila takot! Hindi sila lumalayo sa mga pasyente, matibay ang pagtitiwala nila sa Diyos.


“At naniniwala rin ako na kaya tayo dumaraan sa ganitong pagsubok ay para magliwanag tayo sa madilim na sanlibutan! Wala kang dapat katakutan, Kapatid! Diyos ang nangako sa atin. Hindi niya tayo pababayaan kahit ano pang suliranin at pagsubok ang ating masagupa.”


Thankfully, ngayon ay nasa bahay na si Jon.


“'Andito na ako sa bahay namin, kasama ang mga mahal ko sa buhay. At muli, maisasagawa namin ang sama-samang pagsamba sa ating Panginoong Diyos. Ito ang kuwento ko. Sa Diyos ang Kapurihan!” pagtatapos ng aktor.


Luckily, mukhang hindi naman nahawa kay Jon ang misis niya at ang kanilang 2-yr.-old son na si Brycen.

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2020 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.