Search
  • BULGAR

Mga Pinoy, ayaw magkasakit pero dedma sa quarantine protocols

ni Ryan Sison - @Boses | June 30, 2020



Pinaluwag ang lockdown, pero hindi ibig sabihin nito na puwede tayong mag-relax at pumunta kung saan natin maisipang pumunta.


Bagama’t bawal pa ring lumabas at mass gathering, dumagsa ang mga nag-e-ehersisyo sa Cultural Center of the Philippines (CCP) Complex sa Pasay City noong Linggo.

Ang ending, nagdikit-dikit ang mga ito at tila nakalimot sa social distancing, gayundin ang pagbabawal sa mass gathering.


Bagama’t karamihan sa mga dumagsa ay naka-facemask, may ilang grupo namang nagkumpul-kumpol, gayundin, may mga magkakadikit na naglalakad.


Tabi-tabi naman ang isang grupo ng kabataan na nag-i-skateboard at hindi maayos ang pagkakasuot ng facemask.


Ayon sa alkalde ng lungsod, magde-deploy ng kapulisan ang lokal na pamahalaan para ma-monitor kung nasusunod ang social distancing.


Natatandaan pa ba natin nu’ng todo-sigaw tayo ng “solusyong medikal, hindi militar”?

Tipong pumapalag ‘pag nagpapatulong ang pamahalaan sa kapulisan, pero ‘pag wala nang choice, sila pa rin ang tatawagin.


Nakakadismaya dahil sa totoo lang, kaya naman nating sundin ang social distancing nang hindi kailangan ng presensiya ng kapulisan dahil disiplina lang, sapat na. Pero kung wala talagang disiplina, nganga!


Sa mahigit 100 araw ng community quarantine, hindi pa rin ba tayo natututo? Hindi ba, kahit saan tayo pumunta, mapa-mall, grocery o palengke at restoran, may social distancing? Anyare?


Gusto ninyong mag-ehersisyo para mapalakas ang katawan, pero kung ganito ang mangyayari, parang niloloko n’yo lang ang inyong sarili.


Isip-isip muna bago kumilos dahil baka ‘yung akala ninyong magpapalakas sa katawan n’yo, eh, maging dahilan pa para magkasakit kayo. Tapos kapag nagkasakit, todo-sisi sa gobyerno.


Pare-parehas lang tayo ng gusto — ang makaiwas sa nakamamatay na sakit, kaya please lang, ‘wag nang magpasaway. Ilang buwan na tayong naka-community quarantine at ang tanging magagawa natin ay ‘wag maging perhuwisyo sa bawat isa para hindi masayang ang lahat ng ating sakripisyo.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2020 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.