Search
  • BULGAR

Mga mahihirap, sisiguraduhing mabibigyan ng bakuna kontra COVID-19

ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | July 31, 2020



Hindi makakaila na ginagawa ng ating pamahalaan ang lahat para makontrol at matigil na ang pagkalat ng COVID-19 sa bansa. Sa ika-limang State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte, klarong inilahad ng Pangulo kung ano ang mga plano para mapaganda ang kinabukasan ng mga Pilipino sa kabila ng mga hamong dulot ng pandemya.


Isang malaking hamon para sa isang maayos at progresibong pamumuhay ang ibinahagi ng Pangulo sa ating lahat. Bukod sa paglahad ng mga konkretong plano para malabanan natin ang pandemya, matugunan ang pangangailangan ng bawat isa at mabigyan ang lahat ng komportableng buhay, binigyang-diin niya na kailangan nating magtulungan, magkaisa at magbayanihan.


Bayanihan—hindi na bago ang salitang ito sa ating lahat. Ngayong panahon ng pandemya, kailangan nating ipakita sa bawat isa ang bayanihan. Kailangan nating magmalasakit sa kapwa para makamit ang ating mga layunin, mahinto ang pandemya sa bansa at makapagsimula muli sa ilalim ng “new normal”.


Tiwala tayong sa serbisyong ibinibigay ng ating gobyerno at sa ating pagkakaisa, hindi malayong malalampasan natin ang krisis na ito. Kaya hinihiling natin na sundin palagi ang mga health protocols, tulad ng pagsuot ng tamang face mask at social distancing. Habaan din natin ang ating pasensiya at manatili muna sa ating mga kabahayan kung hindi naman importante ang ating mga lakad.


Umaasa rin tayong sa madaling panahon, magkakaroon na ng bakuna laban sa COVID-19. Kapag dumating ito, bilang Chair ng Senate Committee on Health, sisiguraduhin natin at ng gobyerno na maaabot ito ng lahat ng nangangailangan. Pagplanuhan na dapat ngayon pa lang kung papaano unang mabibigyan ang mga mahihirap upang masigurong walang Pilipino ang mapapabayaan.


Nagpapasalamat tayo sa Pangulo sa kanyang mga isinusulong na hakbangin para sa kabutihan ng ating bansa, lalo na sa panahon ng pandemya. Napakinggan ang mga naunang iminungkahi natin batay na rin sa mga rekomendasyon ng mga eksperto, tulad ng hindi pagpayag ng face-to-face classes para sa ating mga mag-aaral hangga’t walang bakuna, pagtawag-pansin sa mga kumpanyang may hawak ng internet para mas mapabuti ang kanilang serbisyo at pagsulong ng E-governance para mapabilis ang serbisyo-publiko at mawala ang red tape at korapsiyon sa bansa.


Tulad ng ating Pangulo, muling nananawagan ang inyong lingkod sa ating mga kababayan na suportahan ang mga hakbanging ito at patuloy na magkaisa at magbayanihan tayo para sa ikabubuti ng bawat Pilipino.

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.

Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2020 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.