Search
  • BULGAR

May sakit pa, 'di makapagtrabaho…

JOHN, IBINULGAR NA INIWAN NA NG ASAWA'T MGA ANAK DAHIL WALA NANG PERA

ni Ador V. Saluta - @Adore Me! | July 30, 2020




Bumuhos ang awa sa beteranong aktor na si John Regala nang marinig ang kanyang panayam sa DZRH pagkatapos mag-viral ang paghingi niya ng tulong noong siya'y mahilo habang nasa lansangan sa Pasay City nu'ng Martes (July 28).


Aniya, may hinihintay siyang kausap na isang nurse para bigyan siya ng gamot sa gout, pero dahil sa nararamdamang sakit at gutom, bigla siyang nahilo at sa kabutihang-palad, isang Grab driver ang tumulong sa kanya.


Hindi mapigil ni John ang pag-iyak sa interview sa kanya dahil sa patuloy na pagdating ng suporta matapos ngang mag-viral ang kanyang larawan sa socmed.


Nagpapasalamat si John sa Diyos na hindi siya pinabayaan ng mga kaibigan at mga katrabaho sa entertainment industry, lalo na ngayong wala na raw siyang maaasahan sa kanyang pamilya.


Ayon sa aktor, magmula nang hiniwalayan siya ng kanyang asawa, hindi na rin siya pinapansin ng mga anak niya.


“Ganu'n pala ang buhay, 'pag wala ka nang pera, kahit may mabuti kang nagawa, wala na rin silang paggalang sa tao,” himutok ni John.


Aniya pa, "'Yung mga anak ko sa puso, medyo nakalimot na dahil may kani-kanyang buhay na. May sarili nang pinagkakakitaan, matigas na ang buto, hindi na nakakaalala sa kanilang ama. Hindi man lang nila ako maipagmaneho."


Umiiyak pang sabi ni John, “Wala na rin akong kamag-anak. Magmula nu'ng mamatay 'yung nanay ko, itinakwil na rin ako ng mga kamag-anak ko dahil wala na silang mapapala sa akin.”


Pumanaw ang ina ni John na si Ruby Regala noong January, 2020, habang may liver cirrhosis naman ngayon ang aktor.


Aniya, mabuti at may ilang taga-Iglesia ni Cristo na kumupkop sa kanya dahil ayaw niyang magpa-confine sa ospital.


“Hindi ako nagpapa-hospital, alam mo naman, may COVID, 'di ba? Takot din ako sa COVID. Ayoko namang mamatay sa COVID.


"Gusto ko, mamatay naman ako sa…" hindi na niya natapos ang sinabi dahil patuloy pa rin sa pag-iyak.


Umaasa si John na gumaling sa sakit dahil gusto niyang makabalik sa pag-aartista.


“Gusto kong makabalik, makapaghanapbuhay. Hindi ako sanay na nanghihingi. Nakakahiya 'yung manghihingi ka.


“Sanay akong tumulong noon. Eh, ngayon, ang gusto ko, maghanapbuhay.


“Itong nalalabing buhay ko, gugugulin ko na lang sa paglilingkod sa Diyos, unang-una, at sa paghahanapbuhay para may magamit naman ako sa Iglesia at sa aking sarili.


“Sa ngayon, mamahalin ko na ang aking sarili,” madamdaming pahayag pa ng beteranong aktor.

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2020 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.