@Editorial | May 14, 2024
Hindi pa man natatapos ang pananalasa ng El Niño, inatasan na ng Department of Agriculture (DA) ang kanilang regional offices na paghandaan na ang La Niña.
Nakikini-kinita na umano ng kagawaran na mas magiging mapaminsala sa sektor ng agrikultura ang mga pag-ulan na dulot nito.
Sa ngayon, sinimulan na ang “La Niña watch” habang abala pa sa pagbabantay sa mga epekto ng El Niño, na bilyones na ang naidulot na pagkawasak sa agrikultura.
Bukod sa pinsala sa sektor ng agrikultura, ang mga pag-ulan ay nagreresulta rin sa mga pagbaha at pagguho ng lupa.
Masasabing hindi na bago sa ating mga Pinoy ang paghagupit ng mga bagyo, kahit paano natututo naman na tayo kung paano ito haharapin. Gayunman, kailangan pa rin na mas dagdagan ang paghahanda para maiwasan ang mas matinding epekto.
Unang-una na ang drainage system, lahat ng mga baradong daluyan, linisin na. Kaya paulit-ulit din ang apela sa publiko na maging disiplinado sa pagtatapon ng basura para makabawas sa sakit ng ulo ‘pag nand’yan na ang ulan.
Sana maging mas aktibo ang gobyerno lalo na ang nasa local government unit. Bilang tayo ang pinakamalapit sa mamamayan, kumilos tayo para maipabatid ang posibleng banta ng La Niña. Ipaunawa sa mga nasasakupan ang kahalagahan ng malinis na kapaligiran at pagiging handa sa anumang kalamidad. Hindi man natin ito maiiwasan, ang mahalaga, tayo’y nakapaghanda at may alam kung paano ito kahaharapin.
Comentarios