Search
  • BULGAR

Manong drayber na todo-serbisyo sa mga komyuter noon, istambay na lang ngayon

ni Ryan Sison - @Boses | June 24, 2020



Ang mga jeepney drayber na pinapara ng komyuter noon, sila na ang pumapara sa komyuter ngayon, hindi para sumakay kundi para mabuhay.


Ganito ang araw-araw na sitwasyon sa mga kalsada ngayon dahil sa kabila ng pagpayag ng gobyerno na muling pumasada ang ilang pampublikong transportasyon, nananatiling istambay ang mga tsuper ng dyip kaya walang magawa ang mga ito kundi mamalimos sa kalsada.


Kaugnay nito, wala pa ring kasiguraduhan na makakabiyahe pa ang mga tradisyunal na jeep kung susundin ang hierarchy ng mga pampublikong sasakyan dahil nasa pinakahuli umano ang mga lumang jeep.


Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, susundin sa pagbiyahe ang hierarchy ng public transportation at ikokonsidera lamang ang mga tradisyunal na jeep kung magkukulang ang transportasyon sa kabila ng pagbiyahe ng lahat ng pinapayagang Public Utility Vehicles (PUVs).


Noong Lunes, Hunyo 22, nagsimula ang second phase ng pampublikong transportasyon kung saan nasa mahigit 300 modern Public Utility Jeepney (PUJ).


Samantala, sa kabila ng pahayag ng Palasyo na susundin ang hierarchy ng pampublikong transportasyon at hindi ligtas ang tradisyunal na jeep dahil hindi maoobserbahan ang health standards tulad ng physical distancing, patuloy naman na nakikiusap ang mga tsuper na payagan silang makabiyahe.


Pero hirit naman ng mga tsuper, health standards ba talaga ang problema o ginagamit ang pandemya para burahin sila sa lipunan?


Nakakalungkot isipin na ang mga tradisyunal na jeep na kailangang-kailangan noon, pampuno na lang sa pagkukulang sa transportasyon ngayon.


Kumbaga, hindi na sila kasama sa prayoridad na makabalik-pasada dahil sa kawalan ng plano ng gobyerno. Stand by na lang sila, literal na istambay.


Ngayon, daan-daang tsuper ang nanlilimos sa mga motorista at komyuter araw-araw para mabuhay.


‘Wag nating kalimutan na ilang dekadang nagserbisyo sa milyun-milyong komyuter ang mga tradisyunal na jeepney at ngayong sila ang nangangailangan ng tulong, tayo naman ang magmalasakit at magserbisyo.


Kaya sa halip na pagbawalan nang pagbawalan, bakit hindi natin sila tulungan na makapag-comply sa health standards?


Kung health standards ang isyu, maraming paraan para makapag-comply dito at malamang, susunod sila dahil sa kagustuhang kumayod.


Bigyan natin ng tsansa ang bawat isa na makapaghanapbuhay sa gitna ng pandemya dahil hindi uubra na umasa lang sa limos o ayuda.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2020 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.