Search
  • BULGAR

Anxiety at depresyon na resulta ng pandemya, tutukan

ni Ryan Sison - @Boses | June 23, 2020



Habang patuloy na nilalabanan ng buong mundo ang COVID-19 pandemic, malaking hamon din ang stress, anxiety at depresyon sa mental health ng mamamayan.

Kaugnay nito, pinabubuhay ng isang mambabatas ang mental health desks. Alinsunod sa Republic Act 11036 o Mental Health Act, kailangang i-activate ang mental health desks sa mga barangay para matugunan ang lumalalang problema sa mental health na dala ng COVID-19 pandemic.

Matatandaang, kamakailan, lumabas sa survey ng Social Weather Stations (SWS) noong Mayo 4 hanggang 10, na siyam sa 10 Pinoy ang nakararanas ng stress dahil sa pandemya.

Base sa survey, 55% ang may “great stress”, 34% naman ang may “much stress” habang 11% ang nakaramdam ng “little or no stress”.

Gayunman, halos 17% ng pamilya o 4.2 milyon ang nakararanas ng “involuntary hunger” o kakulangan ng pagkain kung saan 68% nito o halos 7 sa 10 pamilya ang nakaramdam ng great stress, 23% much stress at 8% little to no stress.

Samantala, pagdating sa job status, 58% ng may trabaho, ngunit walang suweldo ang nakaranas ng great stress at 57% ng mga walang trabaho ay may parehong naramdaman.

Ito na marahil ang epekto ng kawalan ng trabaho at kagutuman. Tipong hindi na alam kung saan kukuha ng kakainin o pantustos sa pang-araw-araw na gastusin.

Sa totoo lang, magandang hakbang ito dahil bukod sa pagpapatupad ng protocols para maiwasan ang pagkalat ng virus, dapat ding mabigyan-pansin ang mga kaso ng anxiety at depresyon sa gitna ng pandemya. Mahalagang mabigyan ng propesyunal na tulong ang mga kababayan nating walang kakayahang magpakonsulta sa mga eksperto.

Hindi rin biro ang hamon na ito dahil hindi ito tulad ng gutom o kawalan ng trabaho na nakikita kung sino ang apektado.

Maging mabuti sa isa’t isa dahil ang bawat kilos natin ay maaaring maging trigger o magpalala sa kanilang nararamdaman.

‘Ika nga, walang mukha ang mental illness kaya hangga’t maaari ay pahalagahan natin ang mental health tulad ng pagpapahalaga sa pisikal na kalusugan.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2020 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.