Manila Chooks, 7th Place sa 3x3 Pro League Netherlands
ni Anthony E. Servinio @Sports | March 15, 2023

Nakamit ng Manila Chooks ang ika-pitong puwesto sa 12 kalahok sa ikalawang sunod na pagkakataon sa ikalawang yugto ng 3x3 Pro League Netherlands Winter Edition Martes ng madaling araw, oras sa Pilipinas, sa Velodrome Amsterdam. Patuloy ang pagsisikap ng mga Pinoy na magpakitang-gilas sa ikatlo at huling yugto ng serye ngayong Huwebes (Marso 16).
Hindi napigil ng Manila ang pamilyar na kalaro Utrecht ng Netherlands sa quarterfinals, 22-11. Unang nagtapat ang dalawang koponan sa group stage ng unang yugto noong Biyernes kung saan nanaig ang mga Dutch, 22-14, at tuluyang nagtapos na ika-7 ang mga Pinoy.
Nagtrabaho ng husto sina Mark Jayven Tallo, Dennis Santos, Calvin Payawal at bagong kakampi Matthew Salem na pinalitan ang napilay na si Brandon Ramirez upang pabagsakin ang Ashgabat ng Turkmenistan, 21-16, sa kanilang do-or-die para sa huling upuan sa quarterfinals noong Linggo ng gabi. Kinailangan nila ang tagumpay matapos matalo sa Leg One runner-up Dusseldorf ng Alemanya sa una nilang salang, 9-22.
Umulit bilang kampeon ng Leg 2 ang host team Amsterdam kontra Toronto ng Canada, 16-14. Dahil dito, mag-isa na sila sa pangkalahatang standing papasok sa pangatlong yugto na magtutukoy kung anong mga koponan ang mapapabilang sa grand finals.
Sa gitna ng malakas na ipinapakita ng Manila Chooks sa torneo, asahan na tataas ang Pilipinas sa FIBA 3x3 World Ranking na kasalukuyan ay nasa ika-20 sa buong daigdig at pang-apat sa buong Asya. Mahalaga ang manatiling mataas ang FIBA Rank upang matuloy ang pangarap na magpadala ng kinatawan ang bansa sa Paris 2024 Olympics.





Comments