Malacañang, nayanig sa pasabog ni Leviste vs. ES Ralph Recto
- BULGAR

- May 7
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | May 7, 2026

WALANG KABA SI VP SARA KASI HINDI NAMAN SIYA KAKALABANIN NINA SEN. RAFFY TULFO AT MAYORA LENI ROBREDO SA PRESIDENTIAL ELECTION – Walang kakaba-kaba si Vice President Sara Duterte sa inilabas na presidential survey ng Pulse Asia, kung saan lumabas na tabla sila ni Sen. Raffy Tulfo sa 46% kung maglalaban sa pagkapangulo.
Samantala, kung makakaharap naman niya si Naga City Mayor at dating Bise Presidente Leni Robredo, bahagya lamang umano ang kanyang lamang—51% siya kumpara sa 43% ni Robredo.
Gayunman, hindi naman talaga nakababahala ang naturang resulta dahil parehong malinaw nang sinabi nina Tulfo at Robredo na wala silang planong tumakbo sa pagkapangulo. Samantala, si Sen. Risa Hontiveros na aktibong sumasali sa usapin ng posibleng kandidatura ay nakakuha lamang ng 2% at nasa huling puwesto sa naturang survey.
Dahil dito, nagiging malinaw na ang resulta ay higit na hypothetical kaysa aktuwal na senaryo sa darating na halalan. Boom!
XXX
MALACAÑANG, NAYANIG SA PASABOG NI CONG. LEVISTE LABAN KAY ES RALPH RECTO – Nayanig umano ang Malacañang matapos ang naging privilege speech ni Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste sa Kamara.
Sa kanyang talumpati, binanatan ng kongresista ang umano’y operasyon ng ilang gaming entity sa Batangas. Ibinulgar niya na si Executive Secretary Ralph Recto ay iniugnay sa Refresh Gaming na umano’y nagpapatakbo ng STL at bookies sa lalawigan, kung saan ang gobernador ay si Vilma Santos-Recto, asawa ni Recto.
Ayon pa sa kanya, ang kasosyong umano sa naturang operasyon ay si CWS partylist Rep. Edwin Gardiola, na iniuugnay rin sa isyu ng flood control project anomaly.
Wala pang opisyal na tugon o kumpirmasyon mula sa mga nabanggit kaugnay ng mga paratang na ito. Boom!
XXX
IBINULGAR NI OMBUDSMAN REMULLA, SA LAKI NG KICKBACK NI CONG. ROMUALDEZ, ITO NA RAW PINAKA-MASTERMIND SA FLOOD CONTROL SCANDAL – Tahasan umanong pinangalanan ni Ombudsman Boying Remulla ang sinasabing pangunahing personalidad sa flood control scandal, at ito ay si Leyte 1st District Rep. at dating Speaker Martin Romualdez. Kasabwat umano nito sa naturang usapin ang dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co, kung saan ang sinasabing nakuhang kickback ay umabot sa P56 bilyon.
Dahil sa naturang pahayag, inaasahang haharap sa mabibigat na kaso ang mga sangkot, kabilang ang plunder, indirect bribery, at money laundering, sakaling mapatunayang may sapat na batayan ang mga alegasyon. Period!
XXX
KUNG MAY MAG-ASAWANG CURLEE AT SARA DISCAYA SA DPWH, MAY 'GERRY' AT 'CELESTE' NAMAN DAW SA CUSTOMS – Kung may mag-asawang Curlee at Sarah Discaya na umano’y nagkamal ng sangkaterbang pera mula sa flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH), may “Gerry” at “Celeste” naman daw na sangkot din sa agri-smuggling sa Bureau of Customs (BOC).
Kaya kung nagawa ni DPWH Sec. Vince Dizon na sampahan ng kasong plunder at malversation of public funds ang mag-asawang Discaya, kailan naman kaya kikilos si Customs Commissioner Ariel Nepomuceno upang sampahan ng kasong economic sabotage sina “Gerry” at “Celeste”?
Abangan!




Comments