Search
  • BULGAR

Maglagay ng WASH facilities bago magsimula ang face-to-face classes

ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | June 25, 2020


Kasama sa pagbangon ng sistema ng edukasyon sa ating bansa mula sa epekto ng COVID-19 ay ang mga kagamitan at programang pang-kalusugan at pang-kalinisan para sa mga batang mag-aaral.


Ang water, sanitation, and hygiene o WASH facilities ay hindi lamang mahalaga sa panahon ng kasalukuyang pandemya. Labis na mahalaga rin ito sa pagsugpo ng iba pang mga sakit. Bukod d’yan, dapat din ay mayroong sapat na suplay ng sabon, sanitizer at alcohol ang mga paaralan.


Alang-alang sa malinis at malusog na pangangatawan ng ating mga mag-aaral, napakahalagang mamuhunan tayo sa mga pasilidad at kagamitang ito sa bawat eskuwelahan. Ating tandaan na pangmatagalan ang pakinabang nito at malaki ang maitutulong upang sila ay makaiwas sa anumang sakit o karamdaman.


Kaya habang ipinagpapaliban muna ang face-to-face classes sa darating na pasukan, bilang Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture ay hinihimok ng inyong lingkod ang Department of Education (DepEd) na pabilisin na ang pagpapatayo ng mga WASH facilities sa mga paaralang wala pang ganitong uri ng mga pasilidad.


Noong nakaraang taon, iniulat ng DepEd na kalahati lamang sa 35,005 paaralang bahagi ng programang WASH in Schools (WinS) ang may pasilidad na may sabon at tubig. Wala pang 40 porsiyento sa mga paaralang ito ang nagsasagawa ng araw-araw na pangangasiwa ng paghuhugas ng mga kamay. Habang noong 2016 naman, iniulat ng DepEd na mahigit 3,000 pampublikong paaralan ang walang mapagkunan ng ligtas at malinis na tubig.


Hindi na kailangan ng pandemya para ipaalala sa mga eskuwelahan ang importanteng mga bagay na ito. Ngunit dahil sa krisis na dulot ng COVID-19, kailangang magdoble-ingat tayo at palaging maging handa para mapanatili ang kaligtasan at kalusugan ng mga mag-aaral, pati na rin ang mga guro at kawani ng paaralan.


Sa inihain ng inyong lingkod na Senate Bill No. 1565 o ang Education in the New Normal Act, iminungkahi natin ang paggamit ng Special Education Fund (SEF) ng local school boards mula sa iba’t ibang local government units (LGUs) para sa pagpapatayo ng mga hand washing facilities, pagbili ng sabon, alcohol, sanitizers at iba pang public health supplies tulad ng mga thermometer, facemasks at face shields.


Isinusulong din natin sa naturang panukala ang information campaign sa mga paaralan upang mabigyang-diin ang palagiang paghuhugas ng mga kamay, pag-sanitize at iba pang mga hakbang upang mapigilan ang pagkalat ng virus.


Nais nating bigyang-diin ang pagbibigay-prayoridad sa kalusugan ng mga batang mag-aaral. Hindi ito dapat maisantabi lamang. Gawin natin ang angkop at nararapat.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2020 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.