Search
  • BULGAR

Magkaibang bersiyon sa pamamaril sa apat na sundalo ng PNP, iniimbestigahan na ng NBI

ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | July 4, 2020


Ano ba ang talagang nangyari sa insidente kung saan apat na sundalo ang namatay dahil sa pamamaril umano ng mga pulis? Magkaiba ang bersiyon ng pangyayari, depende kung sino ang tatanungin.


Ayon sa Philippine National Police (PNP), nagkaroon ng “misencounter” sa pagitan ng mga pulis at sundalo noong Lunes sa Jolo, Sulu. Patay ang apat na sundalo, walang namatay o natamaan sa panig ng mga pulis. Ayon sa mga pulis, pinahinto nila ang sinasakyan ng mga sundalo sa checkpoint. Nang magpakilala ang mga sundalo na hindi naka-uniporme, pinatungo ang mga pulis sa istasyon para sa beripikasyon. Dito na umano kumaripas ang sasakyan ng mga sundalo kaya hinabol nila hanggang nagsimula umano ang putukan.


Ayon naman sa Armed Forces of the Philippines (AFP), batay sa mga salaysay ng mga testigo, nagtungo ang sasakyan ng mga sundalo sa istasyon. Pero nang bumaba ang isang sundalo na hindi armado ay pinaputukan na sila ng mga pulis na sumunod sa kanila at umalis. May mga litrato na lumabas na sa media kung saan kita ang tatlong sundalo na patay na sa kalsada. Ang napansin ko lang ay walang tama ng bala ang likuran ng sasakyan ng mga sundalo. Kung nagsimula ang barilan nang takbuhan sila umano ng mga sundalo, bakit wala man lang tama sa likuran ng sasakyan?


Samantala, ang pang-apat na patay na sundalo ay nasa loob pa ng sasakyan. Napansin ko rin ang lokasyon ng isa sa mga patay. Nasa likuran ng kanyang sasakyan. Kung nagkabarilan, mas lumapit ba siya sa kinalalagyan ng mga pulis? Ako’y nagtatanong lang sa aking mga napansin at hindi ako eksperto.


Galit na galit si Lieutenant General Gilbert Gapay sa kahina-hinalang insidente at hiniling ang National Bureau of Investigation (NBI) na magsimula ng imbestigasyon dahil sa magkaibang bersiyon. Hindi raw hawak ng mga sundalo ang kanilang armas nang barilin sila. Hindi maitago ni Lt. Gen. Gapay ang kanyang galit. Bakit daw umalis ang mga pulis kung may namatay na? At mabilis daw lumabas sa media ang nangyari. Sang-ayon naman daw ang PNP sa gagawing imbestigasyon. Ang mga pulis na sangkot sa insidente ay nasa ilalim ng kustodiya ng hepe ng Sulu.


Hindi ako magtataka kung bakit galit si Lt. Gen. Gapay — apat ang patay sa mga sundalo niya. Bakit walang masinsinang koordinasyon mula sa mga pulis at sundalo, lalo na sa lugar tulad ng Sulu kung saan maraming armadong tauhan? May hinahabol daw na hinihinalang Abu Sayyaf. Hindi ba alam ng mga pulis iyon?


Mga miyembro umano ng intelligence ang mga pinatay na sundalo. Hindi napigilang magsalita si Lt. Gen. Gapay — rubout daw ang nangyari. Kaya nanawagan ng command responsibility sa mga hepe ng PNP sa rehiyon. Muli naman naungkat ang pagpatay kay Winston Ragos sa mga kamay ng pulis. Wala raw “situational awareness and threat analysis” ang ilan sa PNP at basta na lamang nagpapaputok kaya dapat daw silang bumalik sa pagsasanay.

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2020 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.