top of page
Search
  • BULGAR

Lumakas ang 'Pinas: Women's 3x3 League, itatatag ng SBP

ni VA - @Sports | July 11, 2020




Kasunod ng kanilang naging tagumpay sa paglulunsad ng 3x3 basketball, binabalak ng pamunuan ng Samahang Basketbol ng Pilipinas na mag-organisa ng unang professional women's basketball league sa bansa.


Ito ang inihayag ni SBP president Al Panlilio na isiniwalat na pinag-iisipan na nila ang plano matapos ang tagumpay ng 5x5 at 3x3 basketball sa mga nagdaang international competitions partikular ang SEAGames kung saan winalis ng Gilas Pilipinas ang apat na gold medals sa men's at women's division ng 5x5 at 3x3 basketball.


We hope that we can also expand to have women’s leagues,” wika ni Panlilio.

Mas naging malakas ang kahilingan at kagustuhan ng basketball community na magkaroon ang bansa ng sariling women’s league dahil sa dumaraming mga Pinay na basketbolistang kinukuha upang maglaro sa ibang bansa.


Kabilang diyan si Gilas Pilipinas women team captain Jack Animam na nakatakdang maglaro bilang import para sa Shih Hsin University sa Taiwan University Basketball Association.


Nariyan din ang national team members na sina Allana Lim, Afril Bernardino, Gemma Miranda, Andrea Tongco at France Cabinbin na walang napuntahan para maipagpatuloy ang basketball career pagkatapos ng UAAP at WNCAA.

Sa tulong ni national women's team Coach Pat Aquino na siya ring program director para sa women’s basketball, tuluy-tuloy ang gagawin nilang diskusyon para sa posibleng pagtatatag ng women's pro league at pagpapalakas ng women's basketball gayundin ang 3x3 sa pangunguna naman ng program director na si coach Ronnie Magsanoc.


Napapanahon na upang magkaroon ng women's league ang bansa dahil na rin sa patuloy na pag-angat ng national women's basketball squad na nagpakitang gilas din sa FIBA 3x3 Under 18 Asia Cup , FIBA Asia Women’s Cup, Women’s Jones Cup at FIBA Olympic Qualifying Tournament.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page