top of page
Search
  • BULGAR

Kumpanya, lugi man o hindi… 13th month pay, ibigay — Malacañang

ni Lolet Abania | October 12, 2020




Mariing ipinahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque na hindi maaaring ipagpaliban ng mga employers ang pagbibigay ng 13th month pay sa kanilang mga manggagawa dahil ito ang nakasaad sa batas.


Ito ang inilabas na statement ni Roque matapos na umani ng batikos ang binanggit kamakailan ni Department of Labor and Employment (DOLE) Sec. Silvestre Bello III na maaaring payagan ang mga kumpanyang “in distress” na hindi magbigay ng nasabing benepisyo sa kanilang mga empleyado ngayong taon dahil sa naging epekto ng pandemya ng COVID-19.


“The law has not been amended. That is the law. That is a mandatory provision of the Labor Code,” sabi ni Roque sa press briefing kanina sa Malacañang.


“Pabayaan po nating pag-aralan ng DOLE [Department of Labor and Employment]. Pero sa aking tingin, hanggang magkaroon ng bagong batas ay baka hindi po iyan pupuwedeng ma-defer,” dagdag pa ni Roque.


Sa ilalim ng Presidential Decree 851, ang lahat ng mga employers ay kinakailangang magbigay ng 13th month pay sa kanilang mga manggagawa bago sumapit ang December 24.


Ang 13th month pay ay katumbas ng 1/12 ng basic annual salary ng empleyado o isang buwang sahod sa loob ng isang taong pagtatrabaho ng isang manggagawa.


Subali’t nakasaad sa implementing rules and regulations (IRR) ng nasabing kautusan na, “Distressed employers shall qualify for exemption” kung may awtorisasyon ng Secretary of Labor.


Ayon kay Bello, may nakatakdang pag-uusap ngayong linggo ang DOLE, labor groups, employers’ groups at Department of Trade and Industry (DTI) upang alamin ang mga kumpanya na posibleng ideklarang "in distress" sanhi ng pandemya at maaaring exempted sa pagbibigay ng 13th month pay.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page