Search
  • BULGAR

Kawalan ng swab testing ng mga bumabalik sa probinsiya, nagpapabilis sa pagkalat ng virus

ni Ryan Sison - @Boses | July 01, 2020



Nilinaw ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año na hindi kailangang sumailalim sa swab testing ng mga residenteng umuuwi sa kanilang mga lalawigan.


Ito ay kasunod ng ulat na ilang stranded passengers sa North Port Passenger Terminal sa Tondo, Manila ang nire-require na magpakita ng swab test results.


Ayon kay Año na siya ring vice-chairperson ng National Task Force against COVID-19 pandemic, maaaring nagkaroon ng hindi pagkakaintindihan dahil hindi pa aprubado ang panukalang isailalim ang mga locally stranded individuals (LSIs) sa polymerase chain reaction (PCR) tests pagdating sa kanilang mga uuwiang probinsiya.


Ang current protocols pa rin na aniya ipinatutupad nila ay medical clearance certificate, travel authority at 14 days mandatory quarantine pagdating sa kanilang destinasyon.


Pero hirit ng taumbayan, kung patuloy na susundin ang kasalukuyang protocols, posibleng tumaas pa ang COVID-19 cases sa iba’t ibang lalawigan.


‘Yung iba, na-stranded nang walang anumang kondisyon, pero nang makauwi sa probinsiya, saka nagpositibo sa sakit dahil sa tagal na natengga sa Maynila. Sila ang naging carrier ng virus, na naging sanhi ng pagkalat ng sakit sa inuwiang probinsiya.


Ang masaklap pa, ang mga lalawigang virus-free ay nagkaroon ng biglang pagtaas ng kaso ng sakit, bagay na nagdulot naman ng pangamba sa mga residente.


Kung hindi pa sila mate-test bago umuwi at pagkadating sa kani-kanilang lalawigan, ano’ng kasiguraduhan na hindi sila magiging carrier ng virus?


Baka naman pupuwedeng baguhin ang protocols ngayong nakita na natin ang epekto nito sa ibang lalawigan at rehiyon.


Paalala lang, target nating mapabagal ang transmission ng virus, pero kung magpapatuloy ito, malamang na tataas pa ang kaso ng COVID-19 sa bansa.


Pakiusap sa mga kinauukulan, ‘wag tayong magbingi-bingihan at pakinggan ang sigaw ng taumbayan.


Habang sinisigurado nating makakabalik sa probinsiya ang mga na-stranded sa Maynila, siguraduhin din nating makauuwi sila nang walang sakit at mananatiling ligtas laban sa anumang banta ng sakit ang kanilang uuwian.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2019 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.