Search
  • BULGAR

Kasabay ng pag-ahon ng ekonomiya ng bansa, paglabas ng home loan ng Pag-IBIG Fund, tumataas din

ni Thea Janica Teh - @Bulgarific | July 28, 2020




Hello, Bulgarians! Inanunsiyo ng Pag-IBIG Fund na kasabay ng muling pag-angat ng ekonomiya ng bansa, tumaas din ang inilabas nitong home loan.


Sa loob lamang ng dalawang buwan, tumaas ang inilabas na home loan ng ahensiya at patuloy na pinadadali at mas accessible sa lahat ang mga loan program ng ahensiya sa kabila ng nararanasang pandemiko.


“Lubos nating sinusuportahan ang adhikain ng gobyerno na pinangungunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte at ito ay pagtulong sa mga Pilipinong maabot ang kanilang pinapangarap na bahay. At sa bagong inilabas na promo rate sa home loan, inaasahan natin na mas darami pa ang mga miyembrong makakakuha ng sariling tahanan. Ito rin ay isang malaking bahagi ng pag-ahon ng bansa dahil sa mas maraming bahay ang makukuha, marami ring Filipino ang magkakaroon ng trabaho,” sabi ni Secretary Eduardo D. del Rosario, head ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) at ika-11 miyembro ng Pag-IBIG Fund Board of Trustees.


Sinimulan ng ahensiya ang taon sa mataas na paglabas ng home loan na umabot sa P5.5 bilyon noong January at umabot ng P6.5 bilyon noong February. Ito ay tumaas ng halos 17% kung ikukumpara noong isang taon sa parehong buwan. Inaasahang maisasagawa ng pag-IBIG Fund ang paglabas ng halos P100 bilyon para sa home loan bago matapos ang taon.


Nang tumama ang pandemiko sa ating bansa dahil sa COVID-19, bumaba ang release ng home loan sa buwan ng Marso na umabot sa P3.8 bilyon at noong Abril sa P.88 bilyon. Ngunit, matapos ibaba ang quarantine measure sa bansa ay unti-unti na muling tumataas ang nalalabas ng ahensiya sa home loan.


Mula January hanggang June, nakapaglabas na ang Pag-IBIG Fund ng P20.80 bilyon para sa halos 20,631 bahay para sa kanilang borrowers. 91% rito o P18.94 bilyon ay ibinigay sa socialized at low-cost home loan para sa 20,084 miyembrong kabilang sa minimum-wage at low-income sector.


“Sa loob ng ilang taon, sa ilalim ng administrasyong Duterte ay nakamit ng ahensiya ang ‘best year ever’. Sa loob ng dalawang buwan, napatunayan natin na naging responsive at well-positioned ang ahensiya at naniniwala tayong makakaahon din tayo sa krisis na ito. For Pag-IBIG, 2020 will be a story of strength, resiliency and service to members as we tackle the challenges of the ‘better normal’,” dagdag ni Pag-IBIG Fund Chief Executive Officer Acmad Rizaldy P. Moti.

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2020 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.