Search
  • BULGAR

Kabataang nabibiktima ng pang-aabuso, umabot sa 1.8 milyon taun-taon, tsk!

ni Nancy Binay - @Be Nice Tayo | June 28, 2020


Nakababahala ang napabalitang pagtaas ng mga naitalang kaso ng online sexual exploitation ng mga bata ngayong panahon ng community quarantine sa ating bansa.


Ayon sa National Center for Missing and Exploited Children, na isang private at non-profit corporation sa U.S. na naglalayong pababain ang mga kaso ng child exploitation at hanapin ang mga nawawalang bata, umabot sa 279, 166 na kaso ang naitala sa Cyberline Trip Report hotline nito mula Marso 1 hanggang Mayo 24, 2020.


Ito ay 264% na pagtaas kumpara sa 76, 561 reports na naitala sa parehas na panahon noong 2019.


☻☻☻


Kung kaya’t inihain natin ang Senate Resolution 434 upang magkaroon ng Senate investigation, in aid of legislation, na napabalitang pagtaas ng bilang na ito.


Ayon na rin sa Office of Cybercrime ng Department of Justice, ang pagtaas ay dahil na rin sa ECQ kung saan naka-quarantine ang maraming pamilya at ang pagtaas ng paggamit ng internet sa panahon na ito.


Nakahadlang sa pagdiskubre ng mga kasong ganito ang ECQ, dahil na rin walang access ang mga bata sa kanilang mga guro o miyembro ng komunidad na maaari nilang pagsabihan ng pang-aabuso o mga senyales nito.


☻☻☻


Lumalabas din sa pag-aaral ng International Justice Mission na nagiging “global hot spot” ang Pilipinas ng online child sexual exploitation.

Ayon pa rito, ang online child sex abuse ay “largely a family-base crime meaning home is the place of vulnerability and exploitation, rather than a place of safety”.

Dagdag pa nito, na mula noong 2011, mahigit sa kahalati ng mga naaresto dahil sa online child sex abuse ay mga magulang, kamag-anak o mga kaibigan.


☻☻☻


Ang paglaganap naman ng mura at mabilis na internet, pati na ng mobile phones ay nakatulong naman sa pag-livestream ng pang-aabuso.

Sa tala naman ng UNICEF, tinatayang 1.8 milyong kabataan ang nabibiktima ng trafficking taun-taon, ngunit hindi pa kasama rito ang mga biktima ng cybersex trafficking.

Bilang isang magulang, nakakabahala ang ganitong pagtaas ng bilang, kung kaya’t hinihikayat ko ang lahat na makipagtulungan upang mapatatag ang mga batas na naglalayong maiwasan at masugpo ang ganitong krimen.


☻☻☻


Paalala lamang sa lahat na manatili sa loob ng bahay, ugaliing maghugas ng mga kamay, bigyang-halaga ang kalusugan at huwag kalilimutang magdasal.

Malalagpasan din natin ito.

Be Safe. Be Well. Be Nice! ☻

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.

Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US!  Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2020 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.