top of page
Search
  • BULGAR

Iwas-COVID-19: Bubble type na rin ang Gilas Pilipinas

ni Anthony Servinio - @Sports | September 20, 2020




Matutuloy ang mga qualifier para sa 2021 FIBA Asia Cup nitong darating na Nobyembre at Pebrero subalit inutos ng FIBA na gaganapin ito sa mga bubble at hindi na iikot sa buong kontinente ang mga koponan. Pipili ang FIBA sa mga susunod na buwan ng mga lugar na magsisilbing punong abala sa apat hanggang walong koponan.


Nakatakda dapat lumakbay ang Gilas Pilipinas patungong Timog Korea sa Nobyembre 27 at Thailand sa Nobyembre 30. Pagkatapos nito, bibisita sa Pilipinas ang mga Koreano at Indonesia sa Pebrero habang hahanapan pa ng petsa ang naudlot na laro ng mga Pinoy at Thai noong nakaraang Pebrero para wakasan ang aksyon sa Grupo A.


Kasalukuyang nangunguna ang mga Koreano na may malinis na kartadang 2-0 panalo-talo at sinusundan sila ng Gilas na may isang panalo. Hinahanap ng Thailand (0-1) at Indonesia (0-2) ang kanilang unang tagumpay para manatiling buhay.


Maaaring pumili ang FIBA ng isa sa apat na bansa subalit may posibilidad din na gawin ito sa isang neutral na lugar. Magpapatupad ng mga health protocol tulad ng pagsusuri sa lahat at ang paglabas-pasok ng mga tao sa mga lugar na gaganapan ng laro.


Ang mga laro sa Nobyembre ay tatama sa bagong kalendaryo ng PBA kung saan maaaring ginaganap na ang playoffs para sa 2020 Philippine Cup. Dahil dito, magandang katanungan kung makakalaro ang mga bituin ng liga para sa Gilas sa likod ng mahigpit na patakaran na inilatag ng PBA para sa kanilang bubble sa Pampanga.


Patuloy na pag-aaralan ng FIBA ang umiiral na kalagayan ng kalusugan sa mga kasaping bansa. Maglalabas sila agad ng ulat kung kakailanganin.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page