top of page
Search
  • BULGAR

Isa na lang sa Lakers uusad na sa NBA finals

ni MC / ATD - @Sports | September 26, 2020




Isang panalo na lang at uusad na sa NBA finals ang Los Angeles Lakers matapos talunin sa Game 4 ang Denver Nuggets, 112-108 sa ginaganap na NBA Western Conference best-of-seven series sa bubble sa pasilidad ng Walt Disney sa Florida.


Nanguna sa panalo ng Lakers ang dynamic duo nina Lebron James at Anthony Davis na umiskor ng 26 at 34 points, ayon sa pagkakasunud-sunod, habang umambag si Dwight Howard ng 12 points at 11 rebounds para sa Lakers.


Kinabahan pa ang fans ng Lakers matapos bumagsak sa sahig si Davis na namimilipit sa sakit dahil natapilok nang matapakan ang paa ng isang manlalaro ng Nuggets matapos kumana ng isang jumpshot.


Dahil krusyal ang laban, kaya minabuti ni Davis na maglaro kahit may iniindang sakit sa paa upang masiguro ang panalo ng Lakers kontra sa mapanganib ng Nuggets.


Nangangamba ngayon ang Lakers na kung hindi makalalaro si Davis sa Game 5 ay maaring mahirapan si LeBron sa pagsagupa sa Nuggets. Marami ang nakapansin na tila malata si LeBron sa loob ng court at pinababagal nito ang laro. Nanghinayang naman ang Nuggets sa isinalpak na 32 puntos ni Jamal Murray.


Samantala, maugong na ang pangalan ni Miami Heat rokkie Tyler Herro.


Nagpapakitang gilas si Herro simula ng magsimula ang playoffs, nitong nakaraan lang ay nagtala ito ng career-high 37 points upang akbayan ang Heat sa 112-109 panalo laban sa Boston Celtics sa Game 4 ng 2019-20 Eastern Conference finals.


Kaya naman mabenta ang kanyang jersey sa merkado. Kasalukuyang top-selling ang jersey ni Herro. Sinandalan ng Heat ang 20-year-old swingman sa Game 4 upang ilista ang 3-1 abante sa kanilang best-of-seven series.


Ngayong araw ang Game 5 at posibleng tapusin ng Heat ang serye.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page