Search
  • BULGAR

Hansol Remicon team, malupit sa 3x3 SoKor

ni Anthony Servinio - @Sports | June 29, 2020




Nanatili sa kamay ng Hansol Remicon ang kampeonato sa Com2uS Korea 3X3 Premier League matapos nila talunin ang top seed Afreeca Freecs, 21-19, Sabado ng gabi sa Starfield Goyang Mall ng Seoul. Ang matagumpay na pagtatapos ng liga ay patunay ng pagbangon ng bansa sa krisis dulot ng COVID-19.


Pinakita ni Korean-American forward Daniel Sandrin o kilala rin bilang Lee Dong Jun kung bakit siya ang numero unong manlalaro ng 3X3 sa Timog Korea sa pagbuhat niya sa Hansol katulong ang kapwa Korean-American point guard Tony Akins o Chong Tae Poong. Ang iba pa nilang kakampi ay sina Lee Hyun Seung at Lee Hyeon Seok.


Sa semifinals ay tinalo ng Hansol ang Descente Bumpers, 21-18, habang binigo ng Afreeca ang Bacchus, 21-18. Bago noon sa quarterfinals, binura ng Desecente ang Score Center, 21-9, at ginulat ng Bacchus ang llamadong Hanwool Construction, 20-16.


Pamilyar si Sandrin sa mga Filipino fans matapos maglaro siya at ang kanyang kuya Eric o Lee Seung Jun bilang mga import ng San Miguel Alab Pilipinas noong 2016. Kasama si Eric sa mga unang laro ng Hansol sa torneo at sa Enerskin sa Chooks To Go Asia Pacific 3X3 Super Quest noong Abril ng nakaraang taon sa SM Megamall.


Ang Timog Korea ang isa sa mga unang tinamaan ng COVID-19 subalit nilabanan nila ito sa pamamagitan ng malawakang stratehiya ng “trace, test and treat” o paghanap, pagsuri at paggamot sa mga kaso. Dahil dito, pinayagan ng pamahalaan ang liga ng 3X3 at sinundan ito ng mga liga ng Baseball at Football at pati na rin ng Golf noong Mayo.

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2019 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.