Search
  • BULGAR

Hangga’t walang matagumpay na bakuna, hindi mawawala ang banta ng COVID-19, period!

ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | June 25, 2020


Humigit-kumulang 32, 000 na ang naitalang kaso ng Department of Health (DOH) sa kasalukuyan at habang tumatagal, tila mas mabilis ang pagdami ng mga kaso nito.


Sa Cebu City, kasalukuyan silang nasa ilalim muli ng enhance community quarantine (ECQ) dahil sa dami ng kaso ng COVID-19 na ayon sa awtoridad, maghihigpit pa sila ng mga patakaran.


Lahat ito ay nagaganap habang unti-unting sumasailalim sa tinatawag na “new normal” ang bansa matapos ang mahigit tatlong buwang mahigpit na quarantine.


Samantala, naglabas ng babala ang World Health Organization (WHO) na ang mundo ay pumapasok sa bago at mas peligrosong yugto kung saan sa tala ng WHO, 8.4 milyon ang nahawaan kung saan 454,000 naman ang namatay.


Sa kabila nito, wala pang malinaw na bakuna kontra sa COVID-19 dahil napakarami pa umanong hindi nila alam sa katangian ng SARS-CoV-2. Ang masaklap na katotohanan, hangga’t walang matagumpay na bakuna, hindi mawawala ang banta ng COVID-19.


Mag-iisang buwan pa lamang mula nang sumailalim sa general community quarantine (GCQ) ang Metro Manila at ilang karatig na lugar nito.


Sa totoo lang, hindi ganu’n kadali ang lahat at paunti-unti ang pagbangong ginagawa ng mamamayan.


Kaugnay nito, bagama’t pinayagan nang tumanggap ng mga dine-in ang mga restoran, may kondisyon namang dapat sundin. Kailangang bawasan ang mga parukyano at mahigpit na ipatutupad ang physical at social distancing kahit mag-asawa pa ang mga customers.


Sa usapin naman ng transportasyon, papayagan nang bumiyahe ang modernong jeepney sa ilang mga ruta. Pero pinag-aaralan pa ang muling pagbiyahe ng mga tradisyonal na jeepney.


Siniguro naman ng DOH na nakabantay sila sa bilang ng mga kaso. Dapat talagang inuunahan o pinaprayoridad ang COVID-19 at hindi minamaliit at iniisip na mawawala na lang.


Hangad nating magbilang ng mas maraming recoveries, hindi bagong kaso o bilang ng mga namatay. Magtulungan lamang tayo at ‘wag pasaway nang sa gayun ang problemang ito ay tuluyan na nating mawakasan.

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2020 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.