Search
  • BULGAR

Habambuhay na pagkakakulong sa mga walang kuwenta at tulad sa hayop na mga pulis!

ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | July 9, 2020


Dalawang pulis mula sa Ilocos Sur ang kinasuhan ng Philippine National Police (PNP) kaugnay sa pagpatay sa 15-anyos na dalagita na nagsampa ng reklamong panggagahasa laban sa dalawang alagad ng batas.


Ayon sa ulat, hinuli ang biktima at ang kanyang pinsan dahil sa paglabag umano sa curfew. Kasunod panghuhuli ay dito na umano minolestiya ang biktima nina Police Staff Sergeants Randy Ramos at Marawi Torda. Sa kabila nito ay lakas-loob na nagsampa ng kaso ang biktima sa istasyon, ngunit nang pauwi na matapos magsampa ng reklamo ay tinambangan ang biktima at walang awang pinatay.


Hindi nakapagpigil si PNP Chief Gen. Archie Gamboa sa kanyang mga salita laban sa dalawang pulis kung saan nasabi nito, “Mga walang kwentang pulis! They are not men in uniform but animals who deserve to be jailed for life.”


Kaya naman, nais ni Gen. Gamboa ay mapabilis ang kaso laban sa mga ito nang sa gayun ay makulong na panghabambuhay. Gayundin, tulungan lahat ng testigo para makulong na ang mga balasubas na pulisya. Samantala, gagawa rin naman ng sariling imbestigasyon ang National Police Commission (NAPOLCOM), baka dapat sumali na rin ang National Bureau of Investigation (NBI)?


Mabuti naman at ganito ang saloobin ni Gen. Gamboa, akala ko ipagtatanggol na naman nila ang kanilang tauhan kahit pa nakagawa ang mga ito ng labag sa batas. Ito ang dahilan kung bakit napakahirap baguhin ang imahe ng Pambansang Pulisya.


Batid natin na dalawa lamang ang mga halimaw na ito kumpara sa libu-libong pulis na gumagawa o nagtatrabaho ng tama. Pero ang dalawang bulok ay puwedeng makahawa sa iba lalo na kapag hindi nasampolan. Kaya dapat lang na mapanagot ang mga ito nang hindi matularan.


Nakadidismaya na awtoridad ang madalas laman ngayon ng mga ulat—pulis na pumatay sa sundalong may diperensya, mga pulis na suspek sa pamamaril sa apat na sundalo at ang latest ay dalawang pulis na nangmolestiya at pumatay umano sa menor-de-edad.


Sa kabila nito, umaasa tayong mababago pa rin ang imahe ng pulisya. Pero mangyayari ito kung ngayon pa lang ay sisimulan na ang paglilinis sa kanilang hanay. Sana ay mapabilis ito nang sa gayun ay muling magbalik ang tiwala ng mamamayan sa mga tinatawag na “taga-patupad ng batas.”

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2020 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.