Gel Biñan, swak na sa semis ng NBL-Pilipinas
- BULGAR
- Aug 16, 2023
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | August 16, 2023

Pasok na ang Tatak GEL Biñan sa semifinals ng 2023 National Basketball League (NBL-Pilipinas) President’s Cup matapos takasan ang Cam Sur Express, 106-104, Linggo sa Angelis Resort sa Muntinlupa City. Nanatiling buhay din ang pag-asa ng DF Bulacan Stars at pinisa ang Muntinlupa, 94-71, sa isa pang laro.
Muntikan na at sinayang ng Biñan ang 85-63 lamang maaga sa huling quarter at bumuhos ng 41 puntos ang Express sa pamumuno nina Verman Magpantay at Alwin Margallo upang magbanta matapos ang tres ni AJ Perea na may limang segundong nalalabi, 104-105. Binigyan ng foul si Vinny Begaso at isang free throw lang ang naipasok niya kaya may pagkakataon pa ang Cam Sur ngunit tumama lang sa ring ang huling tira ni Francis Austin Redondo sabay tunog ng busina.
Hinirang na Best Player si Alexander Villacorta na nagtala ng 10 ng kanyang 26 puntos sa third quarter kumpara sa 11 ng buong Express at itayo ang 82-63 na bentahe.
Umakyat ang Biñan sa 4-5 panalo-talo.
Dahil dito, isinara na ang pinto para sa naghahabol na Muntinlupa na hanggang apat na tagumpay na lang ang makakaya kahit magwagi sila kontra Bulacan. Parehong 5-4 din ang Cam Sur at hihintayin nila kung sila ay magtatapos ng una o pangalawa sa Grupo A ayon sa magiging resulta ng huling apat na laro ng elimination round.
Nagtrabaho ng husto ang bisitang Stars at kailangan nila ang panalo upang maagaw ang huling upuan sa mga nag-aasam na KBA Luid Kapampangan (4-3) at Santo Rosa Lions (3-5). First quarter pa lang ay bumanat ng 11 ng kanyang kabuuang 27 puntos si Best Player Exeqiel Biteng at pagsapit ng second ay nagsama sila ni reserba RV Jumaquio para itayo ang 52-41 bentahe na hindi na nila binitawan.





Comments