Search
  • BULGAR

Football star Younghusband, nagretiro na sa PHL Azkals

ni Anthony Servinio - @Sports | June 26, 2020




Nagsara ang isang mahalagang kabanata sa kasaysayan ng Filipino Football matapos ihayag ni James Younghusband ang kanyang pormal na pagretiro Huwebes ng umaga sa edad na 33. Matatandaang si Younghusband sa kanyang 15 taon serbisyo sa Philippine Azkals kung saan nakagawa siya ng 12 goal sa 101 na laro.


“Time to say goodbye. Thank you for the amazing memories. I have loved playing this game,” wika ni Younghusband sa kanyang social media. “Thank you to my family, bosses, managers, coaches, teammates, opponents and all my supporters who have been part of my professional career.”


Noong 2005 Southeast Asian Games sa Pilipinas unang sinuot ni James at nakababata niyang kapatid na si Phil ang uniporme ng Azkals. Malaking bagay ang dalawa sa pag-usbong ng Football lalo na matapos ang “Miracle In Hanoi” sa 2010 AFF Suzuki Cup kung saan unang nakapasok ang Azkals sa semifinals.


Nagbunga ang lahat ng hirap ng Azkals at nakapasok sila sa 2019 AFC Asian Cup sa United Arab Emirates. Iyan na rin ang naging huling pagkakataon na kabilang sina James at Phil sa pambansang koponan.


Magkasama sila sa parehong koponan simula sa Chelsea sa Inglatera noong kabataan nila hanggang pumirma sa Loyola Meralco sa United Football League (UFL) at Meralco Manila at Davao Aguilas sa Philippines Football League (PFL). Naunang nagretiro si Phil noong 2019 subalit tinuloy ni James ang paglalaro at tinulungan ang Ceres Negros na magkampeon sa 2019 PFL at 2019 Copa Paulino Alcantara.


Huling sumabak sa aksyon si Younghusband kasama ang Busmen sa 2020 AFC Cup bago ito pinatigil noong Marso. Makikita na mas ginagamit siya bilang pamalit sa mga huling minuto ng laro kumpara sa mga koponan niya noon kung saan bahagi siya lagi ng unang 11 na pinapasok.


Wala pang linaw kung ano ang susunod niyang hakbang. Noong 2010 ay itinatag ng magkapatid ang The Younghusband Football Academy na ang layunin ay magturo ng football sa lahat ng sulok ng Pilipinas.

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2020 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.