Search
  • BULGAR

Football simula na ang ensayo nang lagdaan ng DOH ang JAO

ni Anthony Servinio - @Sports | July 29, 2020




Nagpasalamat ang pamunuan ng Philippine Football Federation (PFF) matapos lagdaan ang Joint Administrative Order (JAO) sa pagitan ng Department of Health (DOH), Games and Amusement Board (GAB) at Philippine Sports Commission (PSC). Dahil dito, wala nang hadlang sa pagbalik sa ensayo ng mga propesyonal na koponan ng Philippines Football League (PFL).


Ang mga negatibo lang sa pagsusuri sa COVID-19 ang papayagan lumahok sa ensayo. Noong Hulyo 8 ay ginanap ng pagsusuri sa tanggapan ng PFF at lahat ng 155 manlalaro, coach at staff ay negatibo habang may kasunod pa ito sa mga susunod na araw para sa mga hindi pa sumasailalim sa pagsusuri.


Sa una ay limitado sa 10 tao ang bawat ensayo at maglalaan ng 30 minuto pagitan upang malinis ang lugar bago ito gamitin ng susunod na grupo. Itinakda ang PFF National Training Center sa Carmona, Cavite bilang lugar ng ensayo ng lahat ng koponan ng PFL.


Maliban dito ay kailangan sumunod ang lahat sa mga protocol na inihanda ng PFL. Lahat ng ito ay nakalatag sa “PFF Operations Protocol for Philippines Football League” na unang inihain ng PFF sa Inter-Agency Task Force (IATF) noong Hulyo 3.


Wala pang tiyak na petsa kung kailan magsisimula ang PFL ngunit ang layunin ng mga koponan ay makabalik sa kondisyon upang makapaglaro ng mataas na antas ng Football. Anim ang koponan sa PFL na Kaya Iloilo, Stallion Laguna, Mendiola 1991, Global, Azkals Development Team at United City na bagong pangalan ng defending champion Ceres Negros.

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2020 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.