top of page
Search
  • BULGAR

Football league, may health protocol na sa Carmona practice

ni Anthony Servinio - @Sports | July 7, 2020




Matapos payagan ng Inter-Agency Task Force (IATF) noong nakaraang linggo ang pag-ensayo muli ng mga koponan sa 2020 Qatar Airways Philippines Football League (PFL), inilatag na ng Philippine Football Federation (PFF) ang mas masinsin at tiyak na gabay kahapon. Kasama dito ang paggamit ng PFF National Training Center sa Carmona, Cavite bilang lugar kung saan maaring mag-ensayo ang lahat.


Susuriin ang lahat para sa COVID-19 at ang mga negatibo lang ang papayagan mag-ensayo. Limitado sa limang atleta at limang coach at staff lang ang maaring magsama sa isang sesyon at maglalaan ng 30 minutong pagitan bago dumating ang susunod na grupo. Mahalaga na sumunod sa physical distancing at bawal ang mga ehersisyo na may banggaan.


Hinihikayat ang lahat na magdala ng sariling sasakyan patungo sa ensayo. Kung kailangan gumamit ng bus o van ng koponan, dapat kalahating puno lang ito at lahat ay magsusuot ng maskara.


Pagdating sa ensayo ay susukatan ng temperatura ang lahat. Laging may nakahandang alcohol at sanitation mat para sa lahat at lilinisin ang buong paligid bago dumating ang koponan.


Lilinisin din sa simula at pagtapos ng ensayo ang lahat ng mga bola at ibang kagamitan kasama ang buong goal. Bawal maki-inom sa bote ng iba at bawal din ang humiram ng tuwalya at ibang personal na gamit.


Ang lahat ng coach, opisyal, staff at atletang hindi naglalaro ay kailangan nakasuot ng maskara at bawal manood ang publiko sa mga ensayo. Bawal din ang paggamit ng ibang pasilidad tulad ng gym at swimming pool.


Hindi rin pwedeng gamitin muna ang mga locker room at hanggang dalawang tao lang ang pwedeng sabay gumamit ng banyo. Magtatakda din ng hiwalay na lugar para sa physical therapy.


Responsibilidad ng bawat koponan na siguraduhin ang pagsunod sa mga alituntuning ito. Patuloy pa rin na pinag-aaralan ng PFF ang sitwasyon kasama ang pamahalaan at pasya ng World Health Organization at FIFA kaya maari pa rin ito magbago sa darating na panahon hanggang tuluyang bumalik ang Football.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page