Search
  • BULGAR

Feeling walang direksiyon ang buhay, dapat mag-abroad para magka-love life at trabaho

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| July 01, 2020



Dear Maestro,

Matagal na akong sumusubaybay sa inyong mga artikulo at minsan ay nasabi n’yo na susuwertehin sa pag-aasawa ang mga Taong Singko na tulad ko. Pero bakit hanggang ngayon ay wala pa rin akong boyfriend, kaya paano pa ako makapag-aasawa nito at susuwertehin sa buhay kung 33 na ang edad ko ngayon? Bukod sa wala akong love life, sa career naman ay parang ganundin na inaalat dahil bago mag-lockdown, wala akong trabaho pero naghahanap ako kaya lang, wala rin akong makita. Hindi ko tuloy malaman kung saan at ano’ng career ang nakalaan sa akin, kaya sana ay matulungan mo ako upang magkaroon ng tamang direksiyon ang buhay ko upang magkaroon ng maunlad na career at matagumpay at maligayang pag-aasawa. April 5, 1987 ang birthday ko.

Umaasa,

Karen ng Bilolo, Orion, Bataan

Dear Karen,

Ayon sa birth date mong 5 sa destiny number na 7 (4+5+1987=1996 19+96=115/ 11+5=16/ 1+6=7) at sa zodiac sign na Aries, upang magka-boyfriend o makapag-asawa ka at tuluyan na ring magkaroon ng maganda at stable na career, makabubuting mag-apply ka sa abroad, sapagkat ang mga Taong Singko ay kadalasang sa pag-a-abroad o pangingibang-bansa sinusuwerte, lalo na’t nagkataong Aries ang zodiac sign mo, na kinakailangang makipagsapalaran upang mapitas ang bunga ng pag-unlad at malaking tagumpay.


Magagawa mo at mangyayari sa iyo nang kusa ang mga adbentura sa malalayong pook dahil ang zodiac sign na Aries ay likas na nagtataglay ng sigasig at kakaibang lakas ng loob at pagkahilig sa mga pakikipagsapalaran.


Kaya kung hindi ka makatagpo ng magandang kapalaran sa sarili nating bansa, wala kang stable job at zero ang love life mo, tulad ng naipaliwanag na, pagkatapos ng suliranin ng mundo sa Covid-19, bagay na bagay sa iyo ang pakikipagsapalaran sa ibayong-dagat.


Dagdag pa rito, makapagbibigay ng kakaibang sigla ang pagsusuot ng kulay na pula para sa zodiac sign na Aries habang silver, metallic blue o puti naman para sa birth date mong 5.


Ganito ang paggamit, tuwing sasapit ang mga petsang 3, 12, 21, 30, 6, 15, 24, 9, 18 at 27, pula ang isuot at gamitin mong kulay, lalo kung natapat ang mga petsang nabanggit sa araw ng Martes, Huwebes at Biyernes.


Gray, silver, metallic blue o powder blue at white naman ang angkop na kulay tuwing sasapit ang mga petsang 5, 14, 23, 8, 17, at 26, lalo na at natapat ang nasabing mga petsang sa araw ng Miyerkules at Sabado.


Hinggil naman sa iyong lagda, masyado itong maliit at maiksi, kaya sa panahon ngayon, tila hanggang ganyan na lang ang iyong kapalaran—bansot at hindi umuunlad o hindi lumalaki. Masasabi ring ang iyong lagda ay nagpapahiwatig na wala kang achievement at malalaking accomplishment na nagagawa sa iyong buhay sa kasalukuyan.


Dahil dito, inirerekomenda na mas mainam kung lalakihan mo ang mga letra at salita sa iyong lagda at sikapin mong makagawa ng bilog na buntot sa pinaka-lalim ng letrang “J” upang magkaroon ka ng dagdag na libido at sexual urges, na siya namang magpapatikas at magpapaganda sa iyong panlabas na anyo at personalidad.


Tandaang kapag lumaki ang pagkakasulat ng isang lagda at nagkaroon ito “lower zone” tulad ng pinakailalim na buntot na bilog ng letrang “G” sa iyong apilido, tiyak ang magaganap, susuwertehin ka na sa pag-ibig at materyal na bagay dahil ang ibig sabihin ng malaking lagda at buhay na buntot sa lower loop or lower zone sa isang pirma ay bukod sa dagdag na libido at inner energy, mararamdaman mong kayang-kaya mo at masiglang-masigla ka sa bawat araw na harapin ang bawat hamon ng buhay.


Kaya Karen, sa sandaling sinunod mo ang mga simpleng teknik at rekomendasyong nabanggit na sa itaas, ayon sa Decadens ng Kapalaran, ngayong 2020 sa edad mong 34 pataas, hindi pa huli ang lahat – magmamadali nang dumating sa iyong buhay ang lahat ng uri ng tagumpay. Hindi ka na malulungkot pa at dadalawain ng kawalang pag-asa, sa halip, kapag sumunod ka sa rekomendasyong binaggit na sa itaas, magkakaroon ka ng magandang career sa ibayong-dagat at doon mo na rin makikilala ang lalaking isinilang sa zodiac sign na Sagittarius na noon pa naiinip at naghihintay na magiging boyfriend mo at makakasama sa pagbuo ng maligaya, maunlad at panghabambuhay na pamilya.

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2020 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.