top of page
Search
  • BULGAR

Epektibo ang MECQ kung susunod ang mamamayan at opisyal ng gobyerno, period!

ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | August 4, 2020


Iniutos ni Pangulong Rodrigo Duterte na muling isasailalim sa modified enhanced community quarantine (MECQ) ang Metro Manila, Bulacan, Laguna, Cavite at Rizal nang dalawang linggo na magsisimula ngayong araw (Aug. 4) hanggang Aug. 18.


Nagkaroon ng pagpupulong ang gabinete para talakayin ang hiling ng Philippine Medical Association (PMA) na ilagay sa ECQ o MECQ ang Metro Manila dahil masasapawan na ang mga ospital sa dami ng kaso ng COVID-19 at pagod na pagod na ang mga medical frontliners. Humiling ang mga ito ng “time out” para hindi sila tuluyang masapawan, makapagpahinga ang frontliners at para mapag-aralan ang magandang hakbang para sugpuin ang patuloy na pagdami ng kaso.


Kung magpapatuloy ang kasalukuyang dami ng kaso, baka hindi na kayanin ng ating mga ospital at health workers. Mabuti na lamang at pinakinggan ni Pangulong Duterte ang kanilang hiling.


Sa ngayon ay nasa mahigit 100-K na ang bilang ng mga positibong kaso sa bansa kung saan ayon sa isang kaibigan nating doktor, tila “war zone” na ang mga ospital.


Ngayong muling isinailalim sa MECQ ang Metro Manila, sarado na muli ang halos lahat ng negosyo maliban sa mga grocery at botika.


Pansamantala ay wala ring opisina ang karamihan, sarado ang mga bangko, tigil muna ang turismo, bawal lumabas nang walang dahilan maliban sa medikal na sitwasyon at wala nang pampublikong transportasyon.


Siguradong hindi ito magugustuhan ng mga negosyante ang sitwasyon. Gayundin, ang mga empleyadong umaasa lamang sa sahod upang matustusan ang pang-araw-araw na pangangailangan.


Itinigil muli ang takbo ng ekonomiya na ayon sa iba ay hindi kakayanin ng bansa, hindi kakayanin ng maraming mamamayan. Hindi natin alam kung muling makapagbibigay ng ayuda ang gobyerno sa mga mahihiap.


Panalangin nating maging epektibo ang dalawang linggong MECQ. Sana ay makontrol na ang bilang ng COVID-19 cases at mas dumami pa ang mga nakakarekober. Batid nating matutupad ito kung makikipagtulungan ang bawat mamamayan — pairalin ang disiplina. Respetuhin at sundin ang mga health protocols — simpleng mamamayan man o opisyal ng gobyerno.


Sa kabila nito, hindi naman nag-iisa ang Pilipinas sa may mabilis na pagdami ng kaso mula nang buksan ang ekonomiya. Halos lahat ng bansa ay ganito ang nagaganap at may nagpatupad na rin ng sarili nilang lockdown.


Buong mundo ay apektado ng virus hangga’t wala pang linaw sa paglikha ng bakuna para labanan ito. Gayunman, sana ay magkaroon na ng bakuna sa lalong madaling panahon.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page