Search
  • BULGAR

Edukasyong pang-sports, mas palalakasin!

ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | July 7, 2020


Sa pagsasabatas kamakailan ng panukalang National Academy of Sports (NAS) Act (Republic Act 11470), siguradong sabik na ang maraming kabataang Pilipinong atleta, maging ang mga nangangarap na maging prospesyunal na atleta, na mag-enroll dito.


Sa pamamagitan ng NAS, maisasakatuparan ang dekalidad at mas pinalakas na educational sports program sa high school kung saan magkakaroon na ng espesyal na kurikulum para sa sports.


Sa wakas, mayroon na tayong sistema sa edukasyon na magpapalakas at susuporta sa pangangailangang pampinansiyal, pang-impastraktura at pang-polisiya para sa ating mga kabataang mag-aaral na sports enthusiast.


Nakasentro ang kurikulum sa mga pangangailangan ng mga estudyante para sa kanilang mga ensayo. Kasabay pa rin dapat nito ang pagbibigay ng dekalidad na edukasyon maging sa kanilang akademiks.


Bukod dito, titiyakin din sa NAS ang mga hakbang kung paano makakamit ng mga estudyanteng atleta ang magandang academic performance habang inihahanda ang kanilang mga sarili para sa pangarap na propesyon kapag sila ay nagsipagtapos na.


Itatayo ang main campus ng naturang akademya sa New Clark City Sports Complex sa Capas, Tarlac kung saan ang Bases Conversion and Development Authority (BCDA) ang mamamahala sa pagtatayo nito.


Mandato rin sa batas na ito ang pagpapatayo ng mga regional high schools for sports upang maabot din natin ang mga batang atleta na nasa malalayong bahagi ng ating bansa.


Sa gitna ng pandemyang ating kinakaharap, importante na igiit sa mga bata ang kahalagahan ng sports para mapanatiling malusog ang pangangatawan at makaiwas sa sakit. Sabi nga ng mga eksperto, kapag malusog ang katawan ay malusog din ang isip. At ang pagkakaroon ng malusog na isip ay gagabay sa malusog na disposisyon tungo sa magandang kinabukasan.


Umaasa tayo ng pag-usbong ng susunod na henerasyon ng mga Pilipinong atleta na magbibigay ng karangalan sa ating bansa. Masasabi nating hindi na lang mananatiling isang pangarap ang gintong medalya sa Olympics dahil makakahabol na tayo sa ibang bansa pagdating sa ensayo o training sa pamamagitan ng world-class na pasilidad ng NAS.


Higit sa tagumpay at pagkilala sa susunod na hanay ng ating student-athletes, mahalaga rin na patuloy ang suporta na ibinibigay ng ating gobyerno upang mapunan ang pangangailangan ng mga batang nangangarap na maging propesyunal na atleta at nang sa gayun ay lalo pa nilang paghusayan at lalong mapaghandaan ang kinabukasan sa larangan ng sports.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2020 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.