Search
  • BULGAR

Dragons, pakay ang 3rd c'ship sa posibleng UCBL 5th season

ni Anthony Servinio - @Sports | June 24, 2020




Determinado ang Universities and Colleges Basketball League (UCBL) na matuloy ang kanilang ika-limang taon ngayong 2020-2021. Hahanapin ng Diliman College Blue Dragons ang kanilang ikatlong sunod na kampeonato matapos maghari noong 2018 at 2019.


“Noong nagsimula ang pandemya, inisip namin kung ano ang pwedeng gawin para tumulong sa komunidad,” wika ni Franklin Evidente, ang presidente ng UCBL. Kumuha ang liga ng inspirasyon kay Coach Carmelo Navarro, ang Marketing Manager ng liga at Kagawad ng Barangay 889 sa Santa Ana, Maynila.


Agad nagkaisa ang mga opisyal ng kasaping paaralan at mga sponsor na linoleum at toothpaste na maghatid ng ayuda sa nasasakupan ni Coach Navarro at ibang mga proyekto tulad ng Next Man Up na nagpakain sa mga frontliner sa mga piling ospital sa Maynila at Cavite katulong ang kanyang mga kaibigang chef. Mula sa bayanihan ay nabuo ang kanilang pinagkaisang pasya na maglaro muli.


“Positibo ang mga balitang nakukuha namin at hinihintay lang ang utos ng pamahalaan para magbukas sa Nobyembre o sa mga unang buwan ng 2021,” dagdag ni Evidente.


Inamin niya na malaking dagok ang pagbuwag ng varsity ng Technological Institute of the Philippines subalit nanatiling buo pa rin ang ibang mga kasapi na Diliman, Centro Escolar University, Olivarez College, National College of Business and Arts, University of Batangas, Lyceum of the Philippines University-Batangas at Philippine Christian University-Dasmarinas.


Umaasa ang liga na magbabago ang pasya ang TIP at sumali muli. Hindi rin tinago ni Evidente na may ilang mga paaralan mula Pampanga, Bulacan at Kalakhang Maynila na nagtatanong kung paano maging bahagi ng UCBL.


Papayagan pa ring lumahok ang hanggang dalawang banyagang mag-aaral bawat paaralan. “Nagdadala sila ng ibang rekado at interes sa liga at umaangat ang antas ng kalaro nilang mga Filipino,” paliwanag ni Evidente.


Ipapalabas ang UCBL Season Five sa Solar Sports. Ito ang ikalawang taon ng dalawang taong kontrata ng liga sa nasabing network.

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2020 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.