Search
  • BULGAR

Delivery company, dapat maging katuwang sa negosyo at hindi perhuwisyo

ni Ryan Sison - @Boses | June 26, 2020



Delivery services ang katuwang ng mga online sellers at iba pang negosyante dahil isa itong paraan para maipadala agad sa kanilang kostumer ang pinamili at vice-versa.


Dahil kadalasan namang dumarating nang maayos ang mga produkto at sa magandang serbisyo, maraming tumangkilik at nagtitiwala rito.


Pero napakahalaga ng delivery company na pipiliin para mag-deliver ng padala dahil paano kung ang pinagkakatiwalaang kumpanya ay sablay pala?


Kaugnay nito, viral ngayon ang video ng mga tauhan ng isang delivery company.


Base sa video, makikita ang walong lalaki kung saan ang ilan ay walang damit na pang-itaas at nagtatawanan habang naghahagis ng mga parcel papasok sa isang truck na may tatak na J&T Express.


Mabilis itong kumalat sa social media, kaya naman umani ito ng iba’t ibang reaksiyon mula sa netizens kung saan marami ang nagpahayag ng pagkadismaya.


Pero bukod sa paghahagis ng mga package, may isa pang viral post tungkol sa warehouse ng kumpanya. Sa kumalat na mga litrato sa post, makikitang nakatambak lang mga package sa warehouse at hinigaan ng ilang mga tauhan.


Ayon sa kumpanya, iniimbestigahan na ang insidente at posibleng matanggal sa trabaho ang mga tauhang nasa video. Tinutukoy na rin ng kumpanya kung may na-damage sa mga inihagis na padala.


Samantala, pinayuhan ng Department of Trade and Industry (DTI) ang mga nagnenegosyo o magpapadala na papirmahin ng certificate ang delivery service na nasa maayos na kondisyon ang ipinadalang package.


Sa totoo lang, malaki ang papel ng delivery companies ngayong may pandemya dahil posibleng makasama ang maling pag-handle ng mga padala sa imahe hindi lang ng kumpanya kundi pati ng mga nagnenegosyo.


Kung magkakaroon ng damage o sira ang mga produkto, sino ang mananagot? Si seller o ang courier?


Masakit para sa mga kostumer na makatanggap ng sirang package dahil sa kapabayaan ng iba. Tipong pinag-ipunan at pinaghirapan bago bilhin, tapos sablay pala ang delivery company.


Panagutin ang mga tauhang balagbag sa trabaho. Hindi n’yo alam kung ano ang epekto nito sa inyong kumpanya at sa mga negosyanteng todo-kayod pero nakakatanggap ng negatibong feedback galing sa kostumer.


Sana ay magsilbing aral ito sa mga delivery companies na maging maingat at responsable sa mga padala.


Imbes na magdala ng perhuwisyo at sakit sa ulo, maging katuwang sana kayo sa negosyo.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2020 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.