Search
  • BULGAR

Dagdag-transpo, mas oks kesa sa pagbabawas ng social distance na delikado lalo sa COVID-19

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | September 16, 2020



Marami ang nabigla matapos na payagan na ng Department of Transportation (DOTR) ang pagbabawas ng sukat sa umiiral na physical distancing na mula isang metro ay ginawa na lamang 0.75 metro.


Matapos ang dalawang linggo ay plano pa umano itong gawing 0.50 metro at matapos pa ang panibagong dalawang linggo ay paiiralin na umano ang 0.30 kahit wala pa ang hinihintay nating bakuna.


Kasalukuyan na itong pinaiiral sa mga pampublikong sasakyan partikular sa Light Rail Train (LRT) na binago na ang sukat ng mga upuan upang mas marami na umano ang mga pasaherong mabigyan ng mabilis na serbisyo.


Hindi natin sinasabing mali ang pagbabagong ito dahil maging ang Department of Interior and Local Government (DILG) ay kumbinsido sa pagbabagong ito at katunayan ay umiiral na ito ngayon.


Ngunit inalmahan ito ng marami nating kababayan dahil sa mga kumplikasyong dulot nito sa kasalukuyang umiiral na health protocol na hindi man nating kayang pigilin ang paglaganap ng COVID-19 ay mapabagal man lamang ang pagkakahawa-hawa.


Matigas ang ulo ng marami nating kababayan at inabot ng ilang buwan ang ating pamahalaan para tuluyang maituro sa ating mga kababayan ang pagsusuot ng facemask, face shield at pagsunod sa isang metrong physical distancing.


Wala namang problema kung may ipinakikitang pag-aaral ang DOTr sa pagpapatupad ng 0.75 physical distancing, ang mabigat lamang ay ang pahayag nilang kapag muling tumaas ang bilang ng kaso ng COVID-19 ay ibalik na lamang sa dating sukat na 1 metro.


Napakaraming mga eksperto na ang nagbigay ng pahayag kabilang na ang ilang infectious disease specialist mula sa University of Santo Tomas na ang sukat na 1 metro ay nakabase sa siyensiya na ilang panahong pinag-aralan.


Kung mababawasan umano ang sukat na 1 metro ay sobrang laki ng posibilidad na mahawa ang isa’t isa kahit na nakasuot pa ng facemask o face shield hindi lang sa COVID-19 kung hindi sa kahit anong sakit na nakakahawa.


Kung serbisyong transportasyon lang naman ang usapin ay bakit hindi na lamang magdagdag ng pampasaherong sasakyan at sa panig ng LRT ay magdagdag ng bagon para maya’t maya ay may masasakyang tren?


Kahit naman sinasabing nakararamdam na tayo ng mga pagluluwag sa mga pagamutan, unti-unti na umanong gumaganda ang takbo ng gamutan ay hindi maiaalis na libu-libo pa rin ang nadadagdag sa kaso ng COVID-19 araw-araw.


Sa kasalukuyang panuntunan ay marami na ang natuto na isa sa nakikita nating dahilan kung bakit medyo bumagal ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 ngunit sa pagbabagong ito, sana ay hindi lamang ito eksperimento na kapag pumalpak ay uulitin na lamang.


Dahil kung mangyayari ang pahayag ng mga eksperto na delikado ang pagbabawas ng sukat ng physical distancing ay posibleng mauwi tayo sa second wave ng kinatatakutan nating COVID-19.


Ganito ang nangyari kay Cardinal Luis Antonio Tagle, negatibo siya sa swab test bago sumakay ng eroplano ngunit pagbaba niya ng bansa at muling isinailalim sa swab test ay positibo na.


Ganyan kadelikado na ang isang manggagawa ay sasakay ng tren o bus patungong trabaho at pagkatapos niyang nakasalamuha ang mga katrabaho ay muli niyang uulitin ang proseso para makauwi ng bahay at hindi malayo na kung ito ay mahahawa ay santambak din ang kanyang mahahawa kabilang na ang kanyang pamilya.


At sa dinami-rami ng mga manggagawang hindi na susunod sa 1 metrong physical distancing ay hindi malayong lumobo ang kaso ng COVID-19 at magbalik na naman tayo sa simula ng quarantine.


Hindi masamang sumubok ng mga pagbabago para mabalanse ang ekonomiya at kalusugan ngunit huwag naman sanang buhay ang nakataya para sa hindi pa natin natitiyak na tagumpay.


Anak ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o

mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2020 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.