- BULGAR
Clarkson at Kai Sotto dumating para sa Gilas
ni Gerard Arce - @Sports | August 21, 2022

Nasa bansa na si Utah Jazz guard at Filipino-American Jordan Clarkson Biyernes ng gabi upang makasama ang buong Gilas Pilipinas national team upang dalhin ang bandila ng bansa sa 4th window ng 2023 FIBA World Cup Asian Qualifier simula Agosto 25.
Lumapag ang sinakyan ng 30-anyos na 2021 NBA Sixth Man of the Year awardee na Philippine Airlines mula Los Angeles, California ng 6:30 p.m at dinumog ng iba’t ibang media at fans habang diretso siya sa MVP lounge ng NAIA Terminal 2.
Nauna nang dumating sa bansa ang makakasama nitong 7-foot-2 center mula Adelaide 36ers na si Kai Zachary Sotto nitong Huwebes ng gabi, habang nagsimula na sa pagsasanay at paghahanda ang ibang mga napiling 24-man players na babawasan pa sa mismong araw ng laro.
Naghahanda ang national basketball squad na mabuo ang malakas na koponan na isasabak sa magkasunod na laro sa Agosto 25 laban sa FIBA Asia runner-up na Lebanon sa mismong lugar nito sa Beirut at sa Agosto 29 laban sa Saudi Arabia sa Agosto 29 sa MOA Arena sa Pasay City.
Nagsimula nang magkaroon ng closed-door training session ang Gilas squad sa Meralco gym na dinaluhan ng magkapatid na Kiefer at Thirdy Ravena, Dwight Ramos, Bobby Ray Parks, Kevin Quiambao, Carl Tamayo, Calvin Oftana at Kevin Alas ng NLEX, Jamie Malonzo ng Northport at Francis Lopez.
Nagpakita na rin sa ensayo sina Arven Tolentino at 2021 PBA MVP Scottie Thompson, Japan B-League bound Roosevelt Adams galing ng US.
Ang iba pang inimbitahan sa national squad sina Robert Bolick, Japeth Aguilar, Ian Sanggalang at Jio Jalalon, Raymond Almazan, Chris Newsome at Allein Maliksi na katatapos lang ng dikdikang Game 7 laban sa SMB noong Miyerkules, habang alanganin nang maglaro sina June Mar Fajardo at CJ Perez dahil sa best-of-seven championship series laban sa TNT Tropang Giga.
Nakatakdang magmintis ng dalawang laro si Gilas head coach Chot Reyes sa PBA Philippine Cup Finals Game 2 at Game 3 dahil sa responsibilidad sa national squad.
Makakasama ni Reyes sa national team sina coaches Tim Cone at Jong Uichico.