Biteng ng Bulacan Stars, nagmalupit sa NBL Opening

ni Anthony E. Servinio @Sports | June 18, 2023

Sumandal ang host DF Bulacan Stars sa mainit na shooting ni Exeqiel Biteng upang talunin ang bisitang Santa Rosa Lions, 99-86, sa pambungad na laro ng 2023 National Basketball League (NBL) President’s Cup Biyernes ng gabi sa Bulacan Capitol Gymnasium sa Malolos City. Kasabay ito ng pagdiriwang ng liga ng kanilang ikalawang taon bilang professional league at kabuuang ika-anim matapos maitatag noong 2018.
Dikdikan sa simula ang laban at dumaan ang magkabilaang panig ng limang tabla at 13 pagpalit ng lamang. Biglang bumanat ng 10 magkasunod na puntos ang Bulacan upang itayo ang 53-42 lamang bago magsara ang second quarter at hindi na sila lumingon.
Lumobo ang agwat sa 85-63 sa buslo ni John Michael Cruz bago magbusina sa wakas ng third quarter. Lalong ginanahan ang Stars at inalagaan ang lamang sa gabay ni Gob. Daniel Fernando na tumayo din bilang head coach ng koponan ng lalawigan.
Matapos magtala ng 10 puntos lang sa unang dalawang quarter, pumutok si Biteng para sa 13 puntos sa third quarter at tuluyang nagtapos na may 27 ang pambato ng City of San Jose del Monte at kilalanin bilang Best Player. Sumunod ang kapwa-gwardiya Christian Necio na may 18 puntos at 11 rebound habang tig-11 puntos ang mga higanteng sina Cruz, RV Jumaquio at Joseph Celso
“Iba ang pakiramdam na naglalaro para sa Bulacan at nagpapasalamat ako sa aking pamilya Team Biteng na nanood ngayon,” wika ni Biteng.
Nanguna sa Lions ang mga reserbang sina Alexis Hilario at Gio Calacalsada na may 20 at 16 puntos. Nag-ambag ng 12 puntos at 12 rebound si kapitan Jeff Disquitado.
Magbabalik ang NBL sa susunod na linggo. Ang limang iba pang kalahok ngayong President’s Cup ay ang Taguig Generals, Quezon City All-Stars, KBA Luid Kapampangan, Tatak Gel Binan at CamSur Express.





Comments