Biktima ng cyberattack, 'wag manahimik, dapat magsumbong
ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | June 19, 2023
Sa ulat ng Department of Information and Communications Technology (DICT), umabot na umano sa 3,000 ang ‘high level cyberattacks’ ang naitala sa Pilipinas simula 2020 hanggang 2022.
Hindi pa umano naisama ang kasalukuyang taon na inaasahang mas tataas pa dahil sa mga insidenteng nararanasan ng napakaraming kumpanya at ng ilang ahensya ng pamahalaan.
Noong nakaraang Marso ay napasama tayo sa mga bansang madaling mabiktima ng cyberattacks at nasa ikalawa tayo sa ranggong inilabas na paboritong paglaruan ng mga cybercriminals na sinasamantala umano ang kahinaan ng ating cybersecurity.
Base sa datos na inilabas ng Kaspersky Security Network na ang 2022 global ranking ay pinangunahan ng Mongolia na may 51.1%, sinundan ng Pilipinas na may 49.8%, Ukraine na may 49.6%, Greece na may 49.5%, at Belarus na may 49.1%.
Ang global ranking ay ibinase umano sa bilang ng web-based cyber threats na na-detect at na-block ng Kaspersky products at napakarami rin umanong pag-atake ang isinagawa ng mga cybercriminals na tinangkang pasukin ang system sa pamamagitan ng browsers.
Lumalabas na ang drive-by downloads at social engineering ang paboritong ginagamit ng mga cyber attackers upang makapagkalat ng malware sa kanilang mga biktima.
Inaatake ang drive-by download attack sa tuwing ang user ay binibisita ang isang website at hindi sinasadyang ma-download ang isang malisyosong code, habang ang social engineering attack ay nagaganap kung ang isang user ay nag-download ng malware at napaniwalang ito ay legitimate program.
Kung ang isang empleyado ng isang kumpanya ay kumonekta sa isang unsecured Wi-Fi network o bumisita sa isang non-work related website, maaari itong magdulot ng malaking pinsala sa data ng kumpanya.
Sa pinakahuling ulat ng DICT, medyo bumaba na tayo sa ikaapat na ranggo sa buong mundo na may pinakamataas na insidente ng cyberattacks ngunit ang nakumpirma na huling 3,000 na pag-atake sa bansa na natukoy na halos kalahati sa mga ito ay mga ahensya ng pamahalaan ang puntirya.
Hindi ba’t limang ahensya na ng pamahalaan ang nakaranas ng mga pag-atake mula sa mga hackers simula lamang nitong Enero ng taong kasalukuyan at wala pa naman tayong natutukoy sa mga salarin kahit isa?
Ayon mismo sa DICT, malaki ang posibilidad na nahihinaan ang mga cybercriminals sa ating cybersecurity kaya pinagpipistahan ng mga ito ang ating bansa at ang masakit pa ay mismong mga ahensya ng pamahalaan ang hinihiya.
Napag-alaman natin na kulang na kulang pala talaga ang ating cybersecurity specialists sa bansa dahil meron lamang tayong 300 practicing experts na dapat ay nasa 200,000 at lima lang pala sa mga ito ang empleyado ng pamahalaan.
Kumbaga wala talaga tayong laban kung aasahan lamang natin ang kakatiting nating mga eksperto laban sa santambak na cybercriminals na paboritong paglaruan ang mga negosyo at ahensya ng pamahalaan.
Malaking perhuwisyo ang cyberattacks sa ating bansa dahil sa maaaring mawalan ng P6 bilyon kada araw ang mga lokal na bangko, telcos, energy firm, at iba pang kumpanyang nagpapatakbo ng critical information infrastructure (CII) kung sabay-sabay silang makompromiso sa isang cyberattack.
Ayon sa isang pag-aaral ng Secure Connections na tumitingin sa mga ulat sa pananalapi ng mga kumpanyang nakalista sa Philippine Stock Exchange, kung magiging biktima ng cyberattack ang mga pangunahing operator ng CII ay daranas ng malaking pagkalugi.
Ang pagkalugi ng kita ay maaaring umabot ng hanggang P2.81 bilyon sa sektor ng enerhiya, P1.49 bilyon sa pagbabangko, P1.06 bilyon sa telecom, P631 milyon sa transportasyon, P115 milyon sa tubig, at P40 milyon sa pangangalagang pangkalusugan.
Ito lamang ‘yung kayang bigyan ng tamang pagtataya, hindi pa kabilang dito ang mga hindi matukoy na gastusin tulad ng pagpapalaganap ng impormasyon gamit ang media para manumbalik ang tiwala ng publiko.
Kailangan din ang pag-a-upgrade sa sistema matapos ang cyberattacks upang makasiguro na hindi na mauulit pa ang naturang aktibidades ng mga cybercriminals na tila anay na sumisira sa haligi ng iba’t ibang industriya sa bansa.
Ayon na rin sa DICT, maraming kumpanya sa ating bansa ang biktima ng hacking ngunit hindi sila kumikibo at mas pinipili pang manahimik na lamang upang hindi makaladkad sa iskandalo at karamihan sa mga ito ay hindi nagre-report sa awtoridad dahil sa wala umano tayong reportorial requirements.
Bigyan natin ng pagkakataon ang DICT dahil sa ngayon ay binabalangkas na nito ang cybersecurity national plan na hihikayat sa mga kumpanya na huwag mag-alinlangang magsumbong sakaling makaranas ng mga cyberattacks.
Makabubuting magpalakas ng digital defense, kumuha ng mga eksperto at huwag manghinayang sa gastos hinggil sa kinakailangang kagamitan dahil mas matindi ang gastusin kung magiging biktima na ng cyberattack.
Sama-sama nating labanan ang cyberattack, huwag basta manahimik at maghintay lang dahil sakaling may nahuli sa kanila ay magdadalawang-isip na silang umatake.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments