top of page
Search
  • BULGAR

Ayuda para sa mga maliliit na negosyonte at lokal na pamahalaan!

ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | July 10, 2020



Maniniwala tayo na ang serbisyo bilang Senador ay hindi lamang dapat limitado sa loob ng Senado. Kailangang balanse ang ating oras nang sa gayun ay magampanan natin ang tungkulin bilang mambabatas, makapaglaan ng panahon sa pagtulong sa ehekutibo at makapagbigay-serbisyo pa sa kapwa nating Pilipino.


Noong Special Assistant to the President pa lamang ang inyong lingkod, gawain natin ang tumulong sa mga pamilyang apektado sa mga insidente tulad ng sunog, kalamidad at mga sakuna.


Sa katunayan, simula noong Hulyo ng nakaraang taon, nakapagbigay na tayo ng tulong sa mahigit 31,000 na pamilyang Pilipino na nawalan ng bahay at kabuhayan dahil sa sunog. Nagkaroon man ng lockdown, ay bukas ang ating opisina sa pagtulong sa mga biktima ng sunog habang mahigpit na sinusunod ang mga health protocols na ipinatutupad ng gobyerno.


Hindi tayo tumigil dahil naniniwala tayong walang oras ang pagtulong sa kapwa lalung-lalo na sa panahon ng matinding pangangailangan.


Sa kasalukuyang krisis dulot ng COVID-19, patuloy nating hinihimok ang iba’t ibang institusyon ng gobyerno na bilisan ang pagresponde para sa ating mga kababayan. Isa na rito ang pagtawag-pansin sa Research Institute for Tropical Medicine at Food and Drug Administration para mapabilis ang paggawa at pagsuri sa mga COVID-19 test kits.

Samantala, umapela rin tayo sa gobyerno na bigyang-ayuda ang mga maliliit na negosyante, gayundin ang mga lokal na pamahalaan sa pamamagitan ng Small Business Wage Subsidy at Bayanihan Assistance.


Naging tulay tayo ng mga pribadong indibidwal at grupo na maibahagi ang kanilang mga donasyon sa mga ospital na nangangailangan ng kagamitan at personal protective equipment para sa mga health workers at frontliners.


Patuloy nating pagsisilbihan ang mga Pilipino. Ipagpapatuloy natin ang pagserbisyo nang taos-puso sa lahat ng pagkakataon at oras. Ito ang pangako natin noong kampanya na ating tutuparin hanggang sa mga susunod na taon.

 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.

Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page