Search
  • BULGAR

Ayuda at programa, ikinakasa para sa 8k na apektado sa NCAA

ni Anthony Servinio / VA - @Sports | June 24, 2020




Ipakikita ng National Collegiate Athletic Association (NCAA) ang pinagsamang tibay ng kanilang samahan at talino ng mga kasapi nito upang matuloy ang kanilang Season 96 sa 2021. Malugod na ibinalita ng bagong NCAA Management Committee Chairperson Fr. Victor Calvo OP ng Colegio de San Juan de Letran at Peter Cayco ng Arellano University na handang gawin ng liga ang lahat ng kanilang makakaya sa kanilang pagharap sa lingguhang Philippine Sportswriters Association (PSA) Online Forum kahapon.


“Apektado ang lahat ng paaralan kasi nabawasan ang enrolment at sports ang laging unang nababawasan ng pondo,” paliwanag ni Fr. Calvo. “Talagang gusto namin matuloy ang Season 96 hindi para sa sarili naming interes kundi para sa interes ng NCAA, mga atleta, mga coach at mga opisyal.”


Tinatayang 8,000 pinagsamang atleta at coach buhat sa 10 kasaping paaralan at mga opisyal ang apektado ng kasalukuyang krisis sa kalusugan. May mga ginagawang mga programa ang bawat paaralan upang mabigyan sila ng ayuda.


Sa ngayon ay apat na disiplina ang tiyak na magaganap – Basketball, Volleyball, Athletics at Swimming. Pinag-aaralan ng NCAA kung ano ang mga patakaran na paiiralan gaya ng haba ng torneo at kung saan gaganapin ang mga laro.


Malaking bagay ang magiging pasya ng Inter-Agency Task Force (IATF), Department of Education (DepEd) at Commission on Higher Education (CHEd). Ang plano ay ganapin ang mga laro sa mga gym ng paaralan gaya ng matagumpay na “NCAA On Tour” sa mga nakaraang taon.


Wala pang itinatalagang Commissioner para sa Basketball. Hihintayin ng NCAA ang rekomendasyon ng Arellano University bilang punong abala sa nakaraang taon kung saan nagsilbi sa unang pagkakataon ang dating manlalaro at coach na si Antonio “Tonichi” Pujante.


Bukas pa rin ang pinto para magdagdag ng iba pang mga disiplina lalo na kung sa mga susunod na buwan ay may lumabas na bakuna para sa COVID-19. Una sa listahan ang Esports at Online Chess at naghihintay din ng basbas ang Lawn Tennis at Soft Tennis na pinapayagan sa ilalim ng General Community Quarantine.


Pagdating sa mga usapin na naiwan ng Season 95, ipinaliwanag ni Cayco na hindi gagawaran ang General Champion dahil maari pang magbago ang katayuan ng mga paaralan kung natapos ang mga naudlot na palaro. Pagdating sa Season 96, pag-uusapan pa ng NCAA kung gagawaran ang General Champion kahit apat na disiplina lang ang paglalabanan sa ngayon.


Umaasa ang liga na makakabalik na sa pormal na ensayo ang mga koponan pagsapit ng Nobyembre upang hindi maapektuhan ang kalidad ng mga laro.Ang parating na Season 96 rin ang unang taon matapos ipagbawal ng NCAA ang mga banyagang mag-aaral.


Nilinaw ni Fr. Calvo at Cayco na maari pa rin sila bumalik sa hinaharap kung nanaisin ng NCAA Policy Board.


Patuloy pa rin ang negosasyon ng liga sa ABS-CBN. Habang wala pang prangkisa ang network, bukas ang NCAA na ipalabas muna ang mga laro sa internet o sa cable TV o bumili ng oras sa ibang network.


Samantala, nagpadala ang NCAA ng mga personal protective equipment (PPE) sa tulong ng LGR sa mga piling ospital sa Kalakhang Maynila at lalawigan.

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2020 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.