Search
  • BULGAR

Ang mabuting mensahe ng kapistahan ni San Juan Bautista sa panahon ng krisis at pandemya

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan | June 27, 2020



Pista ni San Juan Bautista noong Miyerkules, ika-24 ng Hunyo. Sa ebanghelyong ipinahayag noong araw na iyon, narinig natin ang kuwento kung paano binigyan ng pangalan si Juan.


Dahil matatanda na ang kanyang mga magulang na sina Zacarias at Isabel, itinuring na milagro ng kagandahang-loob ng Diyos ang pagbubuntis at panganganak ni Isabel.


Ayon sa tradisyon, ang kadalasang ipinapangalan sa panganay na anak na lalaki ay ang pangalan ng kanyang ama. Kaya nang papangalanan na ang anak nina Zacarias at Isabel, inaasahan na ng kanilang mga kamag-anak at kaibigan na “Zacarias” ang magiging pangalan ni Juan. Ngunit nagkakagulo sa galak ang mga tao sa kanilang paligid nang nagsalita si Isabel, “Hindi Zacarias ang kanyang pangalan, kundi Juan.”


Hindi aksidente ang mga pangalan ng pamilya ni Juan. Ang ibig sabihin ng Zacarias ay “naalala ng Diyos.” Ang kahulugan naman ng Isabel, elisheba sa Hebreo ay “mapagpala ang Diyos.” At ang kahulugan naman ng Juan ay “ang Diyos ay mabuti.”


Malinaw na hindi basta ibinibigay ang pangalan sa mga kapapanganak na Hudyo. Sa kaso ni Juan, kinailangang magdasal at taimtim na makinig sa Diyos ang mag-asawa lalo na si Zacarias.


At dahil sa kahinaan ng pananampalataya nito nang sabihan siya ng anghel na magkakaanak silang mag-asawa, pansamantala siyang napipi.


Ang kanyang pagkapipi ay kapwa parusa at biyaya. Parusa sapagkat hindi siya naniwala sa inihatid na balita ng anghel at biyaya naman dahil higit siyang natutong makinig.

Sa panahon ng pananahimik o pagkapipi, nagkaroon siya ng sapat na panahon upang magdasal, magnilay at makinig. At sa panahon ng kanyang pakikinig, doon ipinagtapat sa kanila ang magiging buhay at misyon ni Juan.


Tunay na propeta si Juan kung saan palagi niyang kinakausap at pinakikingan ang Diyos. Sinimulang ipahayag ni Juan ang pagdating ng Mesiyas sa pamamagitan ng kanyang paulit-ulit na panawagang, “Magsisi sa mga kasalanan at magbalik-loob sa Diyos dahil parating na ang Kanyang Kaharian.” (Mateo 3) Sa gitna ng kanyang pamamahayag, itinutuwid at pinaaalalahan din niya ang mga nagkakamali tulad ni Herodes na hinayaang mamatay ang isa sa kanyang heneral para makuha lamang ang asawa nito.

Ang buhay ni Juan ay ang kanyang mensahe — ang mensahe ng Diyos ay ang kanyang buhay. Ito rin ang dahilan ng kanyang pagiging martir, hanggang sa katapusan, hanggang sa pagdanak ng kanyang sariling dugo ay ipinapahayag ni Juan ang mensahe ng Diyos.


Tulad ng isinisigaw ng mga propetam, iisa lamang ang ating nais sa panahon ng krisis at pandemya at ito ang pagharap natin sa katotohanang ayaw tanggapin at sundin ng mga makapangyarihan. Nawa’y palaging pagpalain tayo ng Poon ng katotohanan, katarungan at kalayaan.

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2020 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.