Search
  • BULGAR

Aminadong kabit ng mayaman, ‘di magiging legal wife kaya dapat paghandaan ang sariling future

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Palad| June 28, 2020




KATANUNGAN

  1. Isa lang ang Marriage Line ko, pero bakit parang baluktot at medyo magulo ito? May kinalaman ba ito sa nangyayari sa kapalaran ko? Nakikisama ako sa lalaki na may asawa at pamilya na.

  2. Sabi ng mga kaibigan ko sa pinagta-trabahuhan kong club, suwerte raw ako kasi mayaman ang nakuha ko at naibibigay niya ang lahat ng mga pangangailangan ko. Pero siyempre, nangangarap din akong magkaroon ng maayos at sariling pamilya kaysa sa ganito na nakikihati lang ako sa pag-aari ng iba.

  3. Sa palagay mo, Maestro, magkakaroon pa ba ako ng matinong pamilya balang-araw na masasabi kong walang kahati at akin talaga?

KASAGUTAN

  1. Sadyang magulo, may bilog at hindi normal ang Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Pansinin ding kusang nagkaroon ng napakalaking bilog sa gitnang bahagi ng Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ang mga basehang ito ay tanda na ikaw ay magkakaroon ng relasyon na hindi normal at posibleng ito ay ang kasalukuyan mong nararanasan, na nakikihati ka sa lalaking pag-aari na ng iba.

  2. Samantala, ang pag-aanalisang malabo ka nang makaalis sa iyong sitwasyon ay kinumpirma ng magulo mo ring lagda. Bukod sa may malaking bilog, nagpaikut-ikot pa ito, na nakalikha ng malalaking bilog tulad ng nasa iyong Heart Line (arrow b.). Ngunit ang ipinagkaiba nito, ang nasabing lagda ay naging tuwid, malinaw, maayos at gumanda pa sa dulong bahagi. Ibig sabihin, sa umpisa pa lang noong ikaw ay nasa probinsiya pa, magulo na ang background ng iyong pamilya, na posibleng dahil dito, maaaring ito rin ang nagtulak sa iyong kapalaran upang ikaw ay pumatol sa lalaking mayaman pero may asawa na, sinadya man ito o hindi.

  3. Kumbaga, napilitan ka dahil sa malalaking problemang pampamilya. At ngayon, namumroblema ka na naman dahil sumasagi sa isipan mo kung paano ka makakawala sa magulong pakikipagrelasyon gayung bukod sa hindi maganda ang Marriage Line (1-M arrow a.) ay pinagkalooban ka rin ng pangit at magulong Heart Line (h-h arrow b.) sa kaliwa at kanan mong palad.

  4. Ito ay malinaw na posibleng habambuhay ka nang maging kabit, kaya wala kang dapat gawin ngayon kung halimbawang sustentado ka ng lalaking kinakasama mo, mag-ipon ka nang mag-ipon ng maraming pera. Ang mga perang ito ay magagamit mo sa future, higit lalo sa pagpapalaki at pagpapaaral mo sa mga magiging anak ninyo.

  5. Sa ganyang paraan, kapag naghiwalay kayo sa pagtanda, walang kang pagsisisihan dahil ngayon pa lang ay inayos mo na ang iyong kinabukasan, magkakaroon ka ng maunlad at masaganang pagtanda balang-araw.

DAPAT GAWIN

Habang, ayon sa iyong mga datos, Leony, sa katinuan ng ating pag-iisip at pagpapasya, kadalasan ay ninanais nating piliing gawin ang tama at matuwid, ngunit sa kabila nito, ang matinding pangangailangan ng salapi at maaari ring ang kapalaran pa rin ang nananaig. Malungkot ang katotohanan, pero dapat maluwag sa loob itong tanggapin – ayon sa iyong mga datos, habambuhay ka nang magiging kabit (Drawing A. at B. 1-M arrow a at h-h arrow b.), ngunit darating ang panahon na magiging financially stable ka hanggang sa lumaki at maging propesyunal na ang iyong mga anak at kasabay nito, magiging maunlad at maligaya na rin ang inyong pamumuhay, partikular sa larangan ng materyal na bagay (Drawing A. at B. H-H arrow c.).

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2020 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.