Akala vape... Lalaki, nasabugan ng IED
- BULGAR

- Aug 5
- 1 min read
ni Mylene Alfonso @News | August 5, 2026

Photo: Brgy. 879, Sta. Ana, Manila / CCTV / Circulated
Sugatan ang isang 34-anyos na lalaki matapos sumabog ang isang bahagi ng improvised explosive device (IED) na napagkamalan umano niyang vape habang hawak niya ito sa Sta. Ana, Maynila noong Lunes ng gabi.
Sa kuha ng CCTV, makikitang sinusuri ng lalaki ang napulot na bagay habang nakaupo sa kanyang motorsiklo sa labas ng Sta. Ana Public Market bandang alas-6 ng gabi.
Ilang sandali pa ay sumabog ito, dahilan upang magtamo siya ng mga sugat sa mukha, tiyan, at mga kamay.
Agad siyang tinulungan ng kanyang live-in partner at mga residente at isinugod sa ospital.
Ayon sa pulisya, sinabi ng biktima na napulot niya ang bagay sa isang basurahan sa New Panaderos at inakala niyang isa itong vape. Gayunman, lumabas sa imbestigasyon na ito ay bahagi ng isang improvised explosive device at hindi electronic cigarette.
Sinabi ni Sta. Ana Police Station commander Police Lt. Col. Richard Villanueva na nakarekober ang mga imbestigador ng mga bahaging tugma sa isang pampasabog, kabilang ang hinihinalang piyesa ng grenade pin at clip.
Sa kabila ng pagkakaospital, sinabi ng pulisya na mahaharap ang lalaki sa kasong illegal possession and use of explosives. Nasa kustodiya na siya ng mga awtoridad habang patuloy na ginagamot, kabilang ang planong operasyon na maaaring mauwi sa pagputol ng bahagi ng kanyang kanang daliri.
Patuloy namang iniimbestigahan ng pulisya kung saan nagmula ang naturang pampasabog at paano ito napunta sa lugar.





Comments