Search
  • BULGAR

800,000 public school teacher, makikinabang sa dagdag-teaching allowance!

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | October 16, 2020



Napakarami isinumiteng panukalang-batas kung paano matutulungan ang mga manggagawa, health workers, OFWs at mga guro kung saan unti-unti na itong umuusad at sana ay tuluyan nang maging batas.


Heto na nga’t tila dinidinig na tayo ng panahon dahil pumasa na sa ikalawang pagbasa sa Senado ang iniakda nating dagdagan ang supplies allowance ng mga guro sa pampublikong paaralan na magsisimula sa susunod na taon.


Sakaling maging ganap na batas na ang Senate Bill No. 1092 o ang Teaching Supplies Allowance Act of 2020 ay nasa 800,000 pampublikong guro ang makikinabang at malaking bagay ito para maramdaman nilang hindi sila pinababayaan ng pamahalaan.


Isa sa mga binibigyan natin ng malaking respeto sa napakaraming propesyon ay ang pagiging guro, lalo na sa ating bansa na kitang-kita ang kabayanihan ng mga ito kung paano nila hinuhubog ang kabataan na kalaunan ay siyang magpapatakbo ng bansa.


Ang SBN 1092, sa ilalim ng Committee Report No. 14, ay substitute bill para sa SBN 42 na inilatag ni Senate President Pro-Tempore Ralph Recto; ang SBN 75 naman ay ang inyong lingkod mismo ang nagsumite at ang SBN 957 ay si Sen. Sonny Angara ang nagpanukala.


Sa ilalim ng panukala, bawat guro ay tatanggap ng P5,000 para sa school years 2021-2022 at 2022-2023. Ito ay kalaunang tataas sa P7, 500 para sa school year 2023-2024 at P10, 000 para sa school year 2024-2025 na magpapatuloy hanggang sa mga susunod pang taon.


Alam n’yo, ang panukalang batas na ito na wala namang ibang layunin kundi ang madagdagan ang supplies allowance ng pampublikong guro, sa kabila ng medyo naghihigpit tayo ng sinturon pagdating sa budget pero naniniwala tayong mahahanapan ito ng paraan ng pamahalaan.


Kahit mismo si Senate Minority Franklin Drilon, na siyang tumayong co-author ng naturang panukala ay naghain ng amyenda hinggil sa mungkahing dagdagan ang teaching supplies allowance ng mga guro dahil nais niyang ang pamahalaan mismo ang umako sa mga karagdagang gastusin para wala ng problema pa.


Ang isa pa sa nilalaman ng naturang panukala ay ang pag-aatas sa Department of Education (DepEd) na magsawa ng regular na pag-aaral at alamin ang napapanahong kalakaran upang makapagrekomenda kung magkano na ang dapat idagdag sa allowance.


Dapat matiyak ng DepEd na ang irirekomenda nilang dagdag-allowance ay makatarungan at hindi labis sa itinakdang pangangailangan ng mga guro sa materyales na ginagamit nila sa pagtuturo.


Kung maisasabatas na ito, ang kailangang halaga para sa teaching supplies allowance ng bawat guro ay maaring kunin sa bahagi ng inilaang pondo ng DepEd sa ilalim ng General Appropriations Act (GAA).


Hindi kasi puwedeng hindi natin aksiyunan ang problemang ito ng mga pampublikong guro dahil sa kasalukuyan ay tumatanggap lamang sila ng supplies allowance na P3, 500 kada taon.


Kung susumahin natin ay pumapatak lamang ng P16.00 bawat araw na sadyang napakaliit at hindi na sapat para sa mga kailangang bilhin ng isang pampublikong guro sa araw-araw nilang pagtuturo.


Isang naghuhumiyaw na katotohanan na bukod sa pagiging bayani ng mga guro ay ang dagdag sa kanilang pagsasakripisyo na mag-abono sa mga gastusin sa eskuwela upang maitawid lamang nila ang kanilang pagtuturo.


Kung tutuusin ay napakaliit ng karagdagang ito kumpara sa napakalaking ambag ng mga guro sa bansa, na karamihan ay baon sa utang sa mga naglipanang nagpapautang na lampas sa leeg kung magpatubo.


Anak Ng Teteng!

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o

mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2020 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.