top of page
Search
  • BULGAR

5 teknik upang madamayan ang kaibigang nawalan ng kayod

ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | July 13, 2020




Ngayon ka higit na kailangan ng iyong mahal sa buhay o kaibigan na kamakailan lang ay nawalan ng trabaho, nakalulungkot. Heto ang ilang ideya para matulungan ang kaibigan sa ganitong kahirap na sitwasyon:

1. MAKINIG. Hayaang mailabas ng kaibigan ang kanyang problema sa mataman mong pakikinig. Minsan, ang ilang kaibigan ay hindi lang payo ang gusto kundi ang may maiiyakang balikat. Para kasing isang malaking kabiguan at pag-aalala sa buhay kung paano matutugunan ang kakulangan sa pinansiyal sa pagkawala ng trabaho.

2. MAG-ALOK NG TULONG NA HANAPAN SIYA NG TRABAHO. Tulungan siya sa susunod niyang gagawin. I-post ang kanyang resume sa e-mail o ang hanapan siya ng trabaho sa mga advertisement sa diyaryo o social media.

3. PATAWANIN O PASAYAHIN ANG KAIBIGAN. Sa pamamagitan ng mga bagay na kanyang ikinasisiya gaya ng gusto niyang palabas na movie sa cable channel o kaya ay lutuan siya ng paborito niyang pagkain. Mga aktibidad na makalilimot sa kanyang pag-aalala ng mga problema ay makatutulong na.

4. MAGING POSITIBO. Negatibo siya ngayon. Kailangang mas positibo ka sa buhay, mga sinasabi at pananaw para mabawasan ang kanyang kalungkutan. Kapag nakalimot na siya sa problema, ikaw pa rin ang hahanapin ng iyong kaibigan para hindi na siya ma-depress na muli.

5. TULUNGAN ANG KAIBIGAN NA MAKITA ANG OPORTUNIDAD NA ITO. Ang masabi mo na, “Minsan isang pinto man ang nagsasara, may bintana namang bubukas.” Hikayatin ang kaibigan na gamitin ang oportunidad na ito para magkaroon siya ng bagong interes o gagawin at magsimulang muli ng bagong trabaho.

Kung problema na niya ang pera, puwede mo siyang pahiramin at ingatan lang na pahiramin siya nang mas malaking halaga dahil wala pa siyang trabaho ngayon. Kung kailangan niya talaga, asahan mo na lang na matagal pa niya itong mababayaran. Alalahaning nakasisira ng pagkakaibigan ang pera.


Ang payo naman sa mga kaibigan na dumaranas sa buhay ng ilang bigat ng sitwasyon, may mga paraan upang makayanan ang namimigat na kalooban dahil sa problema.


1. Asahan ang mga kaibigan o humanap ng mga alam mong mabubuting tao na positibo kung makipag-usap kapag dumaranas ka ng mahirap na sitwasyon.

2. Simplehan ang buhay. Ngayon ang panahon para mas simplehan pa ang takbo ng buhay. Huwag mag-isip ng kung anu-anong planong bakasyon, pagpapaayos ng bahay, lalo na kung naguguluhan ang iyong isip, na kung tatalikuran mo na ang mga luho na ganyan sa buhay, mas sisimple ang kalakaran mo.

3. Paligiran ang sarili ng katahimikan at kapayapaan. Huwag manonood o makikinig ng mga negatibong balita, malalakas na musika o kaya hayaan muna ang isipan at puso na mapag-isa at wala ka munang kakausapin kahit sino sa kapamilya.

4. Magdahan-dahan. Madalas, kapag nasa problema tayo, ang ating isipan ay parang nagma-marathon ng 10,000 kilometro ang layo. Magdahan-dahan hindi lamang sa isipan kundi sa katawan. Bigyan ang sarili ng oras na ang iniisip ay isusulat. Umupo at magsulat upang ang lahat ng dalahin sa isip at dibdib ay mailabas.

5. Palaging isipin na ang lahat ng bagay na ito ay lilipas din. Minsan, iniisip natin na magtatagal sa atin ang problema, pero gaya rin sila ng iba pang bagay, pansamantala lamang ‘yan.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page