top of page
Search
  • BULGAR

44-year old na nanay, inspirasyon sa pagtatapos ng senior high school

ni Thea Janica Teh | July 8, 2020



Sabi nga sa kasabihan, “kapag may gusto, may paraan at ‘pag ayaw, maraming dahilan.” Ito ang pinanghawakang kasabihan ng isang 44 years old na nanay na nakapagtapos ng senior high school ngayong taon.



Masayang ibinalita ng kaniyang anak ang nakamit ng inang si Elena Agualada sa isang Facebook post. Sabi ni Ryzinnia, sobra ang kahangaan niya sa kaniyang ina dahil pinagsabay-sabay umano nito ang pag-aaral at pag-alaga sa kanilang limang magkakapatid.


Ikinuwento naman ni Elena na hindi siya nakapagtapos ng pag-aaral dahil sa paghihiwalay ng kaniyang magulang. Ngunit, hindi rito natatapos ang pagkamit sa kaniyang pangarap. Kaya naman kahit na may sarili na siyang pamilya ay tinuloy niya ang kaniyang pag-aaral.


Hindi mawawala sa pag-abot ng pangarap ang mga taong hindi naniniwala sa ating kakayahan at naranasan din ito ni Elena. Aniya, “titingnan ka nang mula taas hanggang pababa. Tapos ‘pag talikod mo, pagtatawanan ka at saka sasabihin na ang tanda-tanda na.”


Kaya naman ito ang ginawa niyang dahilan para lalong magpursige at makapagtapos ng pag-aaral. Ngayon ay opisyal na siyang nakapagtapos ng St. Ignitius Technical Institute of Business and Arts sa Laguna.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page