top of page
Search
  • BULGAR

22-anyos na atat magka-BF, dapat unawain ang timing ng mga bagay

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| August 12, 2020



Dear Maestro,


Sa edad kong 22, hindi pa ako nagkaroon ng boyfriend, kaya pakiwari ko ay malas ako sa pag-ibig at mientras gustung-gusto ko nang magka-BF, bakit ayaw sa akin itong ipagkaloob ng kapalaran?


Sana, magabayan n’yo rin ang buhay ko, lalo na sa love life para maka-experience naman ako ng masayang relasyon. Nais ko ring malaman kung ako ay makapag-aasawa pa at magkakaroon ng masayang pamilya? June 1, 1998 ang birthday ko.


Umaasa,

Ms. Gemini ng San Diego, Pililla, Rizal


Dear Ms. Gemini,


Bihira ang mga babae na malas sa pag-ibig, lalo na kung siya ay may bitbit na numerong 1 tulad mo. Dahil Sun ang ruling planet ng numerong 1 o birth date mo, tunay na laging tatanglaw sa buhay mo ang liwanag, suwerte at magagandang kapalaran.


Kaya ngayon pa lang ay dapat mo nang tanggapin at unawain na hindi ka malas. Sa halip, sa edad mong 22, ibig sabihin ng mga nangyayari sa buhay mo ay maaaring na-delay lang ang pagkakaroon mo ng boyfriend, na sadya namang mangyayari sa panahong itinakda ng kapalaran.


Tandaan mong may panahon ang bawat pangyayari sa ibabaw ng mundo, at kapag hindi mo pa panahon sa isang bagay o pangyayari, kahit ano ang gawin mo, hindi mo makakamit ang anumang ninanais mo dahil sa isang bagay lamang, hindi pa ‘yun ang panahon upang ito ay mapasaiyo.


Ibig sabihin, ganu’n talaga ang buhay. Kapag hindi mo pa panahon, hindi pa mangyayari sa iyong buhay ang maganda at kaaya-ayang kapalaran, pero kung panahon na para suwertehin ka, walang magagawa ang tadhana kundi kusang ipagkaloob sa iyo ang suwerteng matagal nang inilaan sa iyo ng kapalaran noong bago ka pa isilang.


Kaya kung panahon mo na, kusang mangyayari sa iyo ang isang pangyayari o bagay na ikasisiya mo at magbibigay sa iyo ng tagumpay.


At kung hindi mo pa panahon, hindi mo mapipilit o mahihirapan kang pilitin ang tadhana upang bigyan ka ng suwerte at malaking tagumpay.


Sa karagdagang paglilinaw, kung hinog na ang panahon sa iyong buhay, tulad ng hinog na mangga sa sanga, kusa rin itong mahuhulog sa lupa.


Ganu’n ang prinsipyo ng kalikasan at buhay ng tao, may panahon ang lahat ng mga bagay at pangyayari sa silong ng langit.


Huwag nang sabihing kapag pumatak ang ulan, kusang nabubuhaghag ang malawak na lupain sa kabukiran. Ito ay nagbabadya ng panahon ng taniman o pagtatanim ng gulay at ng mga palay. Maaari rin namang biglang uminit ang panahon at araw-araw ay lalong umaalinsangan ang kapaligiran, huwag nang sabihing ito naman ang panahon ng outing, excursion, swimming at masayang pamamasyal kung saan-saang magagandang pook sa ating bansa, na maaaring hindi na natin magawa ngayong wala pa ring gamot sa COVID-19.


Dumating ang buwan ng Mayo at Hunyo, hindi na rin dapat pang sabihing ito naman ang panahon ng pagpapakasal at pag-iisang-dibdib sapagkat ‘yun ang kusang mangyayari.


Kasabay ng panahon ng pag-iisang dibdib, ang pasukan ng mga bata o estudyante sa school, upang pagsapit ng buwan ng Marso at Abril ay panahon naman ng graduation.


Sa panahon ngayong papasok ang Ber months, ito naman ang panahon na paparating ang Kapaskuhan at pagkatapos ng Pasko ay Bagong Taon na naman.


Ngayon, Ms. Gemini, gusto mo bang malaman kung kailan ang iyong saktong panahon sa pag-ibig at matimyas na pakikipagrelasyon?


Ayon sa Decadens ng Kapalaran, kusang darating ang magaganda mong panahon sa 2023 sa edad mong 25 pataas, kahit hindi ka gaanong magsikap at magpakasipag, kusa kang susuwertehin at bubuwenasin nang bonggang-bongga sa iyong buhay, hindi lang sa pag-ibig at materyal na mga bagay kundi sa lahat ng aspeto ng iyong buhay. Sa panahong nabanggit, magkaka-boyfriend ka, magkakaroon ng stable job at kasabay nito ay habambuhay ka na ring magiging maligaya at matagumpay.

0 comments

Recent Posts

See All

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page